MAAARING mabigyan ng special treatment si retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan ngayong nasa kustodiya na siya ng Philippine Army. May agam-agam ang ina ni Karen Empeño, isa sa UP students na dinukot ng mga sundalo noong 2006 na mapawalangsala ang “berdugo’’ ng mga militante. Sabi ni Gng. Concepcion Empeño, ilabas na ni Palparan ang kanyang anak na si Karen at si Sherilyn Cadapan. Nagpupuyos ang kalooban ni Gng. Empeño makaraang lumabas ang desisyon ng Bulacan Regional Trial Court na naglilipat kay Palparan sa Army Custodial Center sa Fort Bonifacio mula sa Bulacan Provincial Jail noong Lunes.
Bukod sa dalawang estudyante, si Palparan din ang utak sa pagpatay sa mga militante sa Oriental Mindoro noong siya pa ang commander doon.
Dating commander din ng Army’s 7th Infantry Division sa Nueva Ecija nang panahong dukutin ang dalawang UP students sa Bulacan. Nahuli si Palparan isang buwan na ang nakararaan sa isang apartment sa Sta. Mesa. Tatlong taon na nagtago si Palparan.
Maraming nadismaya nang pahintulutan ng korte ang kahilingan ni Palparan na mailipat sa Army Custodial Center. Ayon sa korte, nanganganib ang buhay ni Palparan sapagkat target siya ng mga rebeldeng New People’s Army. Isang squad umano ng mga rebelde ang may balak pumatay kay Palparan sa loob ng jail. Binigyang bigat ng huwes ang banta sa buhay ng dating Army general.
Ngayong nasa piling na siya ng kanyang mga kabaro, ang agam-agam sa dibdib ng mga kaanak ng biktima ay tumitindi. Nasa dati niyang “tahanan” si Palparan kaya sasaluduhan pa siya ng mga guwardiya roon. Hindi siya ituturing na bilanggo. Mawawala ang agam-agam ng mga kaanak ng mga biktima kung magiging mabilis ang paglilitis sa kaso ng tinaguriang “berdugo”. Nararapat matamo ang hustisya.