K INATOK ni Princess nang todo ang pinto. Ubos lakas para marinig ni Precious. Maaaring natutulog si Precious kaya hindi marinig ang tawag niya.
“Precious, buksan mo ang pinto! Precious!”
Makalipas ang isang minuto, nakarinig si Princess nang mga yabag galing sa loob. Salamat sa Diyos at narinig din ang kanyang katok at sigaw.
Narinig niya ang pag-aalis ng kandado sa pinto at ang paghatak para mabuksan. Nakita niya si Precious.
“Bilis, Precious!”
Nang buksan, nagmamadali si Princess sa pagpasok. Takang-taka si Precious.
“Bakit Ate?”
Isinara muna ni Princess ang pinto.
“May sumusunod sa aking lalaki!’’
“Sino?”
“Hindi ko nakilala dahil madilim. Hindi ako hiniwalayan kanina mula nang lumabas ako sa library. Inilabas ko na ang lanseta para may panlaban ako sa kanya. Mabuti na lamang at may dumating na traysikel. Kung walang dumating na traysikel, baka kung ano ang ginawa sa akin ng lalaki.’’
“Sino kaya ’yun?”
“Hindi ko alam. Kanina pagbaba ko sa traysikel, parang kinutuban ako na nasa paligid siya. Nasundan ako hanggang dito.”
“Hindi kaya yung nasakyan mong traysikel ay kasabwat?”
Nag-isip si Princess.
“Hindi naman siguro. Kung kasabwat, hindi sana ako dinala rito.’’
“Sabagay.’’
“Ang ipinagtaka ko lang kanina, biglang-bigla na nawala ang traysikel matapos akong ibaba.’’
“Namukhaan mo ang drayber?”
“Hindi. Natakpan kasi ng sombrero ang mukha niya.’’
“Baka nga kasabwat ang drayber. Inihatid ka lang para malaman nung lalaking sumusunod kung saan ka nakatira.’’
Nag-isip si Princess. Posible ang sinabi ni Precious. At maaaring tama ang kutob niya na nasa paligid ng bahay ang lalaki.
Tinungo ni Princess ang kuwarto ng kanyang namayapang tatay --- si Manong Wen. Kinuha roon ang mga armas nito – arnis.
(Itutuloy)