PANGUNAHING programa ng pamahalaan para magbigay ayuda sa mga mahihirap nating kababayan ang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) o Conditional Cash Transfer (CCT).
Ito ay ibinibigay na may kaukulang kondisyon base sa kalagayan ng pamumuhay ng isang pamilya o indibidwal.
Maganda ang programang ito ng pamahalaan kung saan ang mga salat, kinakapos at nangangailangan, natutulungan. Subalit, dumarami rin ang mga reklamo at sumbong dito dahil sa tonggak na pangangasiwa sa pondo.
Nitong nakaraang araw, lumapit sa BITAG T3 ang ilan sa mga residente ng Angat, Bulacan. Isang taon at apat na buwan na raw silang hindi nakakatanggap ng tulong-pinansyal.
Una umano nilang natanggap ang CCT fund noong Mayo pa ng 2013. Lingid sa kanilang kaalaman, ito na pala ang una at huling beses nilang pagtanggap ng nasabing financial assistance.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG T3, may problema sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan ng mga tao ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Bulacan sa mga residente ng Angat.
Ayon sa Regional Grievance Officer ng 4Ps, DSWD Region 3, hindi lang naging malinaw ang ilang mga impormasyon pero ang pera nakatagong buo sa bangko at inihahanda na raw para maibigay na sa mga tao.
Ang problema, hindi sinunod ang tamang pamamaraan at proseso kung saan sa bawat kaganapan, inaabisuhan ang mga pobreng benepisyaryo.
Ilan lamang ang mga salat na residente ng Angat, Bulacan sa mga nangangapa sa dilim at naiipit sa hindi pagiging organisado ng mga lokal na empleyadong nakatalaga sa nasabing programa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tulad ng paulit-ulit kong pinagdidiinan at sinasabi sa aking programang BITAG Live, ang kalidad ng komunikasyon ay siya ring kalidad ng isang organisasyon.
Sa insidenteng ito, malinaw na hindi maayos at hindi maganda ang komunikasyon ng mga inatasang mamahala sa pondo ng gobyerno sanasabing lalawigan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.