^

Punto Mo

Pumirma ang Patay (?)

- Tony Calvento - Pang-masa

ANG pera, ari-arian at materyal na bagay ay maituturing na kayamanan. Ngunit sa isang iglap maaaring mawala o maubos ito na hindi mo namamalayan.

“Kadugo ko pa man din siya, masyado siyang mapanlamang. ’Wag naman siyang maging gahaman,” wika ni Gregorio.

Si Gregorio Cruz, 80, ng Pasig, anak nila Felix at Asuncion Cruz ay dating mananahi ng polo, Barong at pantalon. Sa edad na 42 nagkaroon ng asawa si Gregorio. Siya ay si Lani, 17 anyos noon.  Taong 1974 ng pumasok na labandera si Lani kay Marciliana – matandang dalaga na kapatid ni Gregorio na dating guro sa elementarya. Makalipas ang isang taong pagiging labandera ni Lani, umamin ito kay Gregorio na may gusto siya sa kanya. Hindi ito pinansin ni Gregorio ngunit hindi ito naging dahilan upang itigil ni Lani ang pagpaparamdam ng kagustuhan niya. Ginawa ni Lani ang lahat para magustuhan siya ni Gregorio. “Dinadalhan niya ng prutas si nanay. Siya nagpupuno ng timba pag nag-iigib ako dahil hindi ko na kayang yumuko. Inaako niya yung trabaho ko,” kinikilig na pagbabalik tanaw ni Gregorio. Nahulog na rin ang loob ni Gregorio kay Lani. “Bukod sa maganda, maputi at bata, mabait si Lani kaya nagustuhan ko siya,” ani Gregorio. Naging magkarelasyon sila Gregorio at Lani ngunit ang nanay ni Lani  na si Juanita ay hindi sang-ayon dito. “Ang nanay ko naman ang nanligaw kay Juanita. Sabi ng nanay ko sa kanya na ipakasal sa akin si Lani at ibibigay niya sa amin ang bahay nila ng aming ama,” kwento ni Gregorio. Ika-27 ng Disyembre, 1975 ng ikasal sina Gregorio at Lani sa Pasig Catholic Church. Hindi naging hadlang ang agwat ng edad sa kanilang pagmamahalan kahit pa’y 25 taon ang tanda ni Gregorio kay Lani.

Tinupad ni Asuncion ang pangakong bibigyan sila Gregorio at Lani ng bahay matapos ng kanilang kasal.  Ang lupa na kinatitirikan ng bahay nila Gregorio ay may sukat na 400 square meters. Ito’y pagmamay-ari ng kanyang kapatid na si Socorro. Naisangla ito noon ni Sergio, isa pa nilang kapatid at si Gregorio at Marceliana ang tumubos nito. Ika-22 ng Oktubre, 1973, nakuha ni Marciliana at Gregorio ang lupang tinubos. Nakuha ni Marciliana ang 95 square meters  at 98 square meters naman ang kay Gregorio. Ang kanilang mga lupa ay nasa iisang lote, at ito ay joint real estate property. Masayang nanirahan doon sina Gregorio at Lani. Doon na rin sila bumuo ng pamilya. Nagkaroon sila ng dalawang anak. Sina Sherwin at Mark Cruz. Makalipas ang ilang taon, nagkasakit sa pag-iisip si Marciliana at inatake pa ito sa puso. Hindi na niya maigalaw ang mga kamay at paa at hirap na rin itong magsalita. Si Cynthia Laguador, pamangkin ni Gregorio, anak ng kapatid niyang si Apolonia Carino at asawang si Jose Carino, ay isang nars. Siya na ang tumira sa bahay ni Marciliana. Dahil nga may sakit na si Marciliana at hindi na umano nakakapag-isip ng tama, si Cynthia ang namahala sa bahay nito. Pinaupahan din niya ang nasabing bahay at kay Cynthia na raw napupunta lahat ng pera mula sa paupahan. Isang araw, sinabi ni Cynthia sa tiyuhin na si Gregorio na ipakita ang titulo ng lupa ni Marciliana sa kanya. Ipinakita naman ito ni Gregorio ngunit kinuha na ito ni Cynthia at hindi na binalik sa kanya. “Ayaw na niyang isauli sakin yung titulo ng lupa ng kapatid ko. Pinagbawalan na rin niya akong malapitan o makita si Marciliana. Sabi pa ni Cynthia sa kanila na daw yung bahay namin ng kapatid ko. ’Wag na raw ako makihati sa paupa ng bahay ko, eh akin yun. Napakasama talaga niya,” wika  ni Gregorio. Lumapit si Gregorio sa Barangay Lopez Jaena, Pasig upang ireklamo ang kanyang pamangkin na si Cynthia. Pinag-ayos lamang sila rito.  Pumayag si Cynthia sa kasunduang magbibigay ng Php 2,500 kay Gregorio sa koleksyon ng upa. Ngunit hindi naman ito tinupad ni Cynthia. Ipinagkatiwala rin ni Marciliana kay Gregorio ang ipong pera mula sa pagtuturo noon na mahigit Php 700,000. “Nilinlang din ako ni Cynthia. Sinabi niyang tinitipid ko raw ang pagkain at gamot ng kapatid kong si Marciliana. Pilit niyang hinihingi ang bank accounts nito sa akin. Mapanlinlang talaga yang si Cynthia,” dagdag pa ni Gregorio. Ika-28 ng Pebrero taong 2014 ng mamatay si Marciliana dala na rin ng malala nitong sakit.

Pinapunta namin si Gregorio sa Register of Deeds sa Land Re­gistration Authority (LRA) kung kanino na nakapangalan ang lupa ni Marciliana. Nakakuha si Gregorio ng Deed of Absolute Sale kung saan nailipat na sa pangalan ni Cynthia ang lupa ni Marciliana.  Nakalagay rito na ika-5 ng Hunyo, 2014 nabili ni Cynthia ang lupa ni Marciliana sa halagang Php 200,000. “Paano mangyayari yun eh patay na si Marciliana ng Pebrero pa lang. Isa pa, hindi na iyon makakapirma ng maayos dahil di na niya maigalaw ang kamay, lalo na ang kanan na panulat,” giit ni Gregorio. Ito ang dahilan ng paglapit ni Gregorio sa aming tanggapan. 

Itinampok namin si Gregorio Cruz sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes, mula 2:30-4:00PM At Sabado 11:00-12:00NN). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isa sa pinakamasakit na sitwasyon ay ang panlinlang sa iyo ng mismong kadugo mo.

Maaring maituring na Nullity of Sale with Reconveyance ang lupa na nailipat sa pangalan ni Cynthia sa pamamagitan ng Deed of Sale. Maaari rin itong maibalik sa pangalan ni Gregorio sa pamamagitan ng adverse claim. Ini-refer namin si Gregorio sa LRA Main sa pamumuno ni Atty. Eulalio Diaz III at sa tulong ni Ms. Aileen Coritana. (KINALAP NI HAZELYN FRIAS) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Land­line 6387285/7104038 o mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

CYNTHIA

GREGORIO

IKA

KAY

LANI

MARCILIANA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with