NAALALA ni Princess ang sinabi ng kanyang tatay noong nabubuhay pa, huwag magpapauna sa takot. Kaya raw may nagagahasang babae ay dahil sa naunahan sila ng takot. At dahil takot, naging madali para sa mga rapist at holdaper na biktimahin sila. Huwag na huwag pauuna sa takot, yun ang payo ng kanyang tatay. Payo din nito na magdala ng anumang bagay na maaaring panlaban sa mga rapist o holdaper. Puwedeng lanseta, isang dakot na buhangin o kaya’y hair spray. Alinman sa mga ito ay mabisang panlaban sa mga magtatangka nang masama.
Pinili ni Princess na magdala ng lanseta. Una ay madaling hawakan at hindi agad makikita ng kalaban kapag nasa kamay. Pagdikit ng kalaban sa kanya, itatarak niya saan mang bahagi ng katawan. Payo ng kanyang tatay, siguruhing masusugatan ang kalaban para magkaroon ng dugo. Kapag nagdugo, masisira ang diskarte ng kalaban at maaaring tumakas.
Hindi iyon nalilimutan ni Princess. Malaki ang paniniwala niya sa kanyang tatay sapagkat sanay ito sa pakikipaglaban. Mahusay sa arnis ang kanyang tatay. Katunayan ang mga stick nito ay nakatago sa kanilang bahay --- yantok at Kamagong ang mga pamalo nito.
Ngayong nasa panganib siya sapagkat patuloy ang pagsunod sa kanya ng isang anino, gagamitin niya ang tinuro at pinayo ng kanyang tatay. Hinding-hindi siya magpapauna sa takot.
Nakiramdam si Princess habang naglalakad. Patuloy pa rin ang pagsunod sa kanya. Kahit hindi siya lumilingon, alam niyang may nasa likuran siya. Naririnig niya ang yabag.
Hinigpitan ni Princess ang hawak sa lanseta. Patuloy siya sa paglalakad. Patuloy ang pagsunod ng anino. Sige, lapit pa at tatarakan kita!
Hanggang sa may matanaw na ilaw ng traysikel si Princess!
“Traysikel! Traysikel!”
Narinig siya ng magtatraysikel at lumapit sa kanya. Ligtas na siya.
Nang lingunin niya kung naroon pa ang aninong sumusunod sa kanya, wala na! Mabilis na nawala nang magsisigaw siya!
Itinago niya ang lanseta at sumakay sa traysikel.
(Itutuloy)