Dehydration!

ANG dehydration ay isang kondisyon kung saan nawawala ang fluids sa katawan. Lumalabas ang tubig sa katawan sa anyo ng vapor o gas kapag humihinga, pagpapapawis, pag-ihi at pagdumi. Kapag masyado maraming tubig ang nawala, na­giging imbalanced ang ating katawan at tayo ay nadi-dehydrate. Ang labis na dehydration ay maaaring ikamatay.

Isinulat ko ito dahil isa sa aking mga anak-anakan ang isinugod sa ospital dahil sa de­hydration. Grabe ang nangyari sa kanya dahil hindi niya nakikilala ang mga magulang. Maaari palang mangyari iyon.

Ang mga sanhi ng dehydration ay lagnat, pagbibilad sa araw, labis na pageehersisyo, pagsusuka, pagtatae, diabetes, hindi wastong pagkain at pag-inom, kulang ng supply ng tubig, impeksiyon.

Ang mga sintomas ng dehydration ay labis na pagkauhaw, nanunuyo ang bibig, namamaga ang dila, panghihina, pagkahilo, palpitation, pagkalito, pagkahimatay, hindi pinapawisan, bihirang pag-ihi.

Maging sa kulay ng ihi ay makikita ang dehydration. Kapag mas madilaw ang kulay labis ang kakulangan sa tubig. Pero kung light o halos transparent ang urine color, ibig sabihin ay maganda ang water intake mo.

Kumunsulta sa doctor kapag patuloy ang iyong pagsuka at higit na sa isang araw, hindi buma­babang lagnat, pagtatae nang mahigit sa dalawang araw, madalang na pag-ihi at panghihina.

Dalhin sa ospital ang pas­yente kapag may mataas na lagnat, pagkawala sa sarili, panghihina, pananakit ng ulo, pangingisay, nahihirapang huminga, pananakit ng dibdib, pagkahimatay at hindi pag-ihi ng 12 oras!

Maiiwasan ang de­hydration sa pag-inom ng tubig, tsaa at kape at pagkain ng mga prutas gaya ng suha, ubas, melon at pakwan.

Show comments