Marahil ay matatagalan pa bago makagulapay ang PNP sa ibat-ibang mga akusasyon na lumulutang sa kasalukuyan matapos nga ang kontrobersyal na kaganapan sa ‘Edsa hulidap’.
Bukod sa naglutangan ang iba pa umanong naging biktima ng mga hulidap ng ilang tiwaling pulis, abay ngayon naman ay pumutok ang tinatawag umanong ‘quota system’ sa hanay ng kapulisan.
Ito umano ang pagre-remit ng mula P3,000 hanggang sa P7,000 kada linggo ng iba’t ibang himpilan sa kanilang superior.
Ang ‘quota’ umano ay galing naman sa iba’t ibang illegal na aktibidades na doon nasasangkot ang ilang pulis.
Napipilitan naman umano na magbigay ang mga pulis na tinotokahan para naman hindi sila maalis sa pwesto o posisyon.
Mabigat ang ganitong akusasyon at alegasyon, pero hindi naman marapat na puro sabi lang, kailangan may matapang na lumutang para siyang magsiwalat kung totoo nga ang ganitong mga alegasyon.
Mahirap naman kasi na puro tsismis at walang lulutang para patunayan ang ganitong mga akusasyon.
Maaaring idahilan na natatakot sila, pero kung nais talaga nilang malinis ang hanay dapat nilang simulan.