KINAHAPUNAN, kailangan mag-research sa library si Princess. Wala naman siyang laptop na maaaring magamit pagkunan ng irereport. Kaya sa library siya nagtungo pagkaraan ng alas singkong klase. Bukas na ang pagrereport niya. Mga dalawang oras lang naman ang ilalagi niya sa library. Bago umalis ng bahay kanina, sinabi niya kay Precious na gagabihin siya kaya siguruhing nakakandado ang pinto. Magkulong sa kuwarto at huwag lalabas kapag may tumawag lalo at hindi kilala.
Mabilis namang nakapag-research si Princess sa library. Ang iba ay ipina-xerox na niya at sa bahay na lamang pag-aaralan. Nagmamadali siyang lumabas ng library. Pasado alas otso na. Iilang estudyante na lamang ang nakikita niyang naglalakad patungo sa sakayan ng traysikel. Ngayon lang siya nakauwi ng pasado alas otso. Kakaunti na pala ang mga naglalakad. Sana mayroon agad traysikel na dumating para makasakay agad siya. Madilim pa naman patungo sa hintayan ng traysikel. Walang ilaw ang mga poste.
Mabilis ang ginawa niyang paglalakad. Siya na lamang ang naglalakad sa bahaging iyon. Ang paradahan ng traysikel ay may kalayuan pa.
Hanggang sa makaramdam si Princess na parang may sumusunod sa kanya. Binilisan niya ang paglakad. Hindi naman siya magpapahalata sa kung sinumang sumusunod sa kanya.
Pero nang bilisan niya ang paglakad, parang bumilis din ang nasa likuran niya.
Palihim na dinukot ni Princess ang maliit na lanseta na nasa kanyang bag. Gagamitin niya iyon sa sinumang sumusunod sa kanya. Hindi siya papayag na may mangyari sa kanya!
(Itutuloy)