EDITORYAL – Mauuwi rin sa wala
LUMALAMIG na ang isyu sa mga “kidnapulis’’. Natatakpan na ng ibang isyu ang ginawang pangingidnap sa dalawang negosyante mula sa Mindanao noong Setyembre 1 sa EDSA, Mandaluyong. Nakunan ng picture ang ginawang panunutok sa mga nakasakay sa puting Fortuner ng apat na lalaki at ini-upload sa internet. Makalipas ang ilang araw, nadiskubreng mga pulis sa La Loma Station 1 ang mga nanutok na lalaki. Dinala nila sa station ang dalawang lalaking tinutukan at pinigil doon ng ilang oras at saka kinuha ang pera ng mga ito na nagkakahalaga ng P1 milyon. Bukod sa P1 milyon, pinag-withdraw pa ang mga biktima sa kanilang ATM.
Unang nahuli ang dalawang pulis La Loma. Pagkaraan ng isang linggo, sumuko ang anim na iba pa. Itinanggi naman nila ang paratang. Tatlo pa ang nagtatago sa mga tinaguriang “kidnapulis”. Sabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Gen. Carmelo Valmoria na sumuko na ang mga nagtatago at harapin ang inaakusa sa kanila. Ang mga pulis na inaakusahang kumidnap sa dalawang negosyante ay sina Chief Insp. Joseph de Vera, Senior Inspector Oliver Villanueva, Inspector Marco Polo Estrera, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Jonathan Rodriguez, PO2 Mark de Paz, PO2 Ebonn Decatoria, PO2 Jerome Datinguinoo, PO2 Weben Masa at Senior Insp. Allan Emlano.
Sabi noon ni DILG Mar Roxas na tututukan daw nila ang kasong ito. Magkakaroon daw ito ng resulta. Napag-alaman na ang mga sangkot na pulis ay dati nang may mga nakasampang kaso pero nakabalik din sa serbisyo. Ilan sa kanila ay nasuspinde na pero muling naitalaga at ang iba ay naging deputy chief pa ng police station.
Sa nangyayaring mabagal na pag-aksiyon ng PNP sa kaso ng mga “kidnapulis’’, maaaring mauwi rin sa wala ang lahat nang ito. Maaaring makalabas ang mga sangkot na pulis at makakabalik sa serbisyo. At muling gagawa ng kasamaan sa lipunan.
- Latest