NAKAKARAMDAM ka na ba na halos muscle memory na ang iyong pagdampot ng iyong phone, android, ipad, laptop at parang kusa na ang iyong pagbrowsing sa IG at FB? Ang iyong gadgets ba ang iyong automatic na binubunot kapag wala kang ginagawa, naghihintay, katabi mo habang kumakain? Ito ba ang iyong huling nakikita bago matulog at ang unang nasisilayan pagkagising? Naku, baka naaadik ka na at kailangan mo na ng digital detox. Ito ang mga nakakagimbal na resulta ng isang survey at pananaliksik ngayon:
- On the average, tuwing 6.5 minutes ay tsinitsek ng mga tao ang kanilang mga cell phone. Ayon sa Nokia, sa 16 na oras na gising ang tao, 150 beses na tinitingnan ang kanyang cell phone.
- Twenty percent ng tao ay maraming oras mag-online kaysa matulog.
- Mas nakakaadik na raw ngayon ang FB, IG at Twitter kaysa paninigarilyo.
- Halos 70% ng mga kabataan ngayon ay maraming oras sa online kaysa kanilang mga magulang.
- Patuloy na dumadami ang mga kabataang naglalaro ng computer games ng hindi bababa sa dalawang oras kada gabi.
- Ang average na bilang ng text na ipinapadala ngayon ng mga teenager ay 100 SMS.
Nakakagulat na napalitan na ng gadgets ang mga tao bilang karelasyon natin. Paghawak natin ang mga gadgets at online tayo, minsan kahit may kasama tayong ibang tao ay hindi na natin sila napapansin dahil glued tayo masyado sa gadgets. Sinubukan kong magdetox dati, at alam mo maganda ang nangyari.
Nakapagbasa ulit ako ng mga nobela, mga libro na dati ay hilig na hilig kong gawin, mas marami akong nakakausap na tao at mas engaging ako sa kanila, at mas sumarap ang tulog ko. Dahil imbes na napupuyat ako, mas dumarami ang oras para sa tulog.
Hindi naman natin kailangang itigil ang pag-online at pagiging aktibo sa social media. Kailangan lang ilagay sa tama. Huwag sana maging dahilan upang dito umikot ang ating mundo at makalimutan na natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng relasyon sa mga tao.