LUMAKI si Austin Coulson, 29, na namamangha sa mga kotseng naitatampok sa Guinness Book of World Records kaya hindi niya akalain na balang araw ay maitatampok din ang pangalan sa nasabing publikasyon nang makagawa nang pinakamaliit na kotse.
Bata pa lamang, mahilig na sa pagkakalikot ng kotse si Austin. Pumasok sa isip niya na gumawa ng pinakamaliit na kotse sa buong mundo nang minsang mabasa niya sa Guinness Book of World Records na nakagawa ang isang lalaki mula sa United Kingdom nang napakaliit na kotse na puwedeng patakbuhin sa kalye. Dahil naghahanapbuhay siya sa pamamagitan ng pagku-customize ng mga sasakyan, naisip ni Austin na kaya niyang lampasan ang nagawa ng lalaki.
Para buuin ang kanyang world record holder na sasakyan, gumawa siya nang maliit na chassis na dinagdagan niya ng motor at iba pang mga piyesa na kinuha niya mula sa isang all-terrain vehicle. Umandar nang maayos ang kanyang maliit na kotse ngunit para mapatakbo sa mga lansangan, kailangan niya itong dagdagan ng windshield, rear-view mirror, taillights, headlights, turn signal, busina, at pati na rin ng seat belt. Nang maidagdag na niya ang mga ito ay saka niya nakuha ang world record.
Sa kabila ng sukat na 25.8 pulgada na lapad at 50 pulgadang haba ay kayang-kaya si Austin. Tumatakbo ito ng 53 kilometro bawat oras. Ipinagmamalaki rin ni Austin ang pagiging matipid sa gasolina ng kanyang nilikhang sasakyan.