Hindi Umiinom ng Gatas ang Diyos

NAPAGOD na sa kalalakad ang isang propeta kaya nakituloy siya sa maliit na bahay-pahingahan ng mga pastol na nadaanan niya. Nakiusap siya sa mga binatilyong pastol na kung puwede ay doon na muna siya makikitulog ng isang gabi. Pumayag naman ang mga bata.

Pagsapit ng gabi ay napansin ng propeta ang isang pastol na naglagay ng gatas sa mangkok. Lumabas ang pastol at ipinatong niya ang mangkok sa burol.

“Bata, para saan ang gatas na inilagay mo sa burol”, tanong ng propeta pagkaraang bumalik ito sa bahay.

“Para ho sa Panginoong Diyos. Gusto kong alayan siya ng pinakasariwang gatas upang manatili siyang malusog at hindi magkasakit.”

Napahalakhak ang propeta. “Bata, ang Diyos ay espiritu lang at ang espiritu ay hindi makakainom ng gatas.”

“Pero nauubos ho ang gatas tuwing babalikan ko ang mangkok kinaumagahan kaya naisip kong iniinom niya iyon.”

“Sa susunod na mag-aalay ka ng gatas, magtago ka at makikita mo kung sino ang totoong umiinom ng iyong gatas.”

Isang araw ay muling napadaan ang propeta sa bahay ng mga pastol. Nagkataong naroon ang  batang pastol na nagbibigay ng gatas. Ikinuwento nito na nabisto niyang ligaw na hayop ang umiinom ng gatas at hindi ang Diyos.

“ Pero sana ho…”, patuloy ng batang pastol,  “pinabayaan n’yo na lang akong mag-ilusyon na Diyos ang umiinom ng gatas. Iyon lang ang pagkakataon kong maipakita ang aking pagmamahal sa Diyos. Kill joy ho kayo.”

Kaya next time huwag pakialaman ang paniwala ng ibang tao kung ito naman ay hindi magdudulot ng perwisyo.

 

Show comments