‘Bahala na’

KAPAG kayo’y tumatawid sa agos ng buhay kailangan isang direksiyon lamang ang pagsasagwan kung hindi wala kayong patutunguhan kundi paikut-ikot lang.

“Buntis pa lang ako napagbubuhatan niya na ’ko ng kamay­. Pagkapanganak lumaban na ’ko, sinipa ko siya sa bayag,” simula ni Georgie.

Apat na taon na ang anak ni Georgie Lynn Mendiola, 27 taong gulang at kasalukuyang nagtatrabaho bilang ‘call center agent’. Kwento niya hindi raw nagbibigay ng suporta ang kanyang asawang si Karlo Ferdinand, 23. Sa isang pagbabalik-tanaw nagkakilala sila ni Karlo nang mag-aral pareho sa Centro Escolar University (CEU). Magkasama rin sila nun sa iisang fraternity. Kapag may lakad si Georgie, lagi niyang kasama si Karlo. Malambing ito at mabait kaya nahulog ang loob niya dito. Dahil bata pa, hindi masyadong nag-iisip. Hindi nag-iingat at para sa kanila, ang sagot sa lahat ng bagay ay bahala na. Dahil dito, hindi nagtagal, nabuntis si Georgie. Sinimulan nila ang pag-aayos sa kanilang kasal. Sa Blue Gardens sa Commonwealth ito naganap nung Mayo 22, 2009. Kwento niya, ang hindi niya lang nagustuhan sa mister ay ang pagsusugal nito. Minsan habang nakatambay sila sa klinika ng ama ni Karlo na isang dentista, naikwento niya raw sa kuya nito ang pagkakatalo sa sugal.

“Nagalit siya at sinuntok ako. Kahit nung buntis pa ako nagkakasakitan na kami. Minsan nabato ko rin siya ng sapatos dahil nagsisinungaling,” pahayag ni Georgie. Ika-walo ng Setyembre 2009  nang manganak si Georgie. Pansamantala silang tumuloy na mag-asawa sa kanyang mga magulang sa Fairview.

“Bigla na lang hindi umuwi dun si Karlo. Napag-alaman ko na lang na may nabanggit ang mama ko na hindi niya nagustuhan. Nung bagyong Ondoy wala siya sa tabi ko,” ayon kay Georgie. Ilang araw ang makalipas lumamig ang ulo ni Karlo at inamo at sinuyo nito si Georgie. Kinumbinsi siya na sa Batangas na tumira kasama ang ina nito dahil nag-iisa ito.  Pumayag naman si Georgie at tuwing linggo siya binibisita ng mister.

“Pagdaan ng ilang buwan napapansin ko nagbabago na siya. Hindi na siya malambing, pa­laging iritable at itinatago ang cellphone,” salaysay ni Georgie. Kinutuban siya na baka may ibang babae ang mister pero binalewala niya na lang ito dahil wala naman siyang patunay na hawak. Nang umuwi siya sa Fairview naisipan niyang magbukas ng Facebook (FB). May nagmalasakit na tao ang nagpadala ng mensahe sa kanya tungkol sa karelasyon daw ng mister.  “Agad kong tiningnan yung FB account niya. Nabasa ko nagpapalitan sila ng I love you dun,” sabi ni Georgie. Nagsumbong si Georgie sa biyenang babae pagkauwi niya ng Batangas. Hindi umano ito naniwala ngunit nang ipakita niya ang mga listahan ng mensahe ng dalawa naniwala na ito. Pag-uwi ni Karlo sa Batangas kinompronta siya ng kanyang ina at isinampal ang papel dito. Pinagalitan din daw ito kaya’t humingi ng pangalawang pagkakataon ang mister sa kanya.

“Tinext namin ng biyenan ko yung babae na tigilan na niya si Karlo dahil may asawa na ito. Magkaroon naman siya ng delikadesa sabi ko. Tinakot pa namin na papatanggal namin siya sa unibersidad at hindi siya makakahanap ng malilipatan dahil sa kahihiyan,” kwento ni Georgie. Pinagbigyan ito ni Georgie kaya’t naging maayos ulit ang pagsasama nila ni Karlo ngunit ilang linggo lang nagkagalit na naman sila. Sa tuwing aalis si Georgie lagi siyang sinusuyo ng mga magulang ng asawa para bumalik. Paulit-ulit naman siyang nagpapatawad ngunit palagi rin umanong nambababae ang mister. Minsang naghatid ng imbitasyon sa binyag sa CEU si Georgie ay may nakarating sa kanyang balita tungkol sa umano’y bagong babae ng mister.

“Hinanap ko siya pero parang pinagtataguan niya ako. Nagpunta ako sa dean’s office para magreport. Paglabas ko, nakita ko ang babae, ang lalaki ng ngipin niya. Wala nun si Karlo sa unibersidad. Pinag-awayan na naman namin yun,” pahayag ni Georgie. Mula nun namalagi na si Georgie sa bahay ng mga magulang. Pagdating ng selebrasyon ng kaarawan ng anak wala umanong dumating sa pamilya ni Karlo at tanging ang pinsan lamang nito na nandoon.  Pagkaraan ng ilang araw sinuyo ng biyenan si Georgie ngunit nanindigan siyang hindi na babalik sa asawa. Hindi niya na raw matagalan ang paulit-ulit na pambababae ng asawa.

“Nahihiram naman nila ang anak ko. Minsan inaabutan nila ng dalawang libo,” salaysay ni Georgie. Hindi rin daw binibigyan ng suporta ni Karlo ang anak nila. Noong Marso 2013 nalaman niya na lang na may ibang kinakasama ang mister at may anak na ito doon. Giit ni Georgie hindi niya kakayanin na suportahan mag-isa ang anak lalo pa’t nagsisimula na itong mag-aral. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Georgie.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kwento ni Georgie ay hindi na bago sa aming pandinig.  Ang pagpapalaki ng bata ay obligasyon ng parehong magulang. Hindi maaaring isa lang ang magtaguyod dito.  Sa biglang tingin maaaring sampahan ng Violation ng Republic Act (RA) 9262 sa ilalim ng ‘economic abuse’ kung hindi man kasong sibil na petition for support.

Kung ating susuriin baka naman hindi masyadong nakikita ang bata kaya’t binibigyan lamang kapag ito’y pinapapunta sa kanila. Dapat meron silang karapatan na makapiling din ang kanilang apo. Huwag nating tanggalin ito dahil sa bandang huli ang bata din ang kawawa dahil baka makaapekto ito sa kanyang paglaki at dalhin niya ang mga bagay na ito panghabang buhay. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments