Matapos mabulgar na mga pulis ang sangkot sa naganap na ‘kidnap-hulidap’ sa EDSA, isa-isa na ngayong naglulutangan ang mga naging biktima ng iba pang pulis.
Kahapon dalawa na namang pulis buhat sa EPD ang dinisarmahan at tinanggal sa pwesto matapos na ireklamo ng kasong kidnapping, robbery at iba pang kaso sa Pasig City.
Ang insidente ay naganap noon pang June 5, 2014, kung saan basta na lang umano pinasok ng dalawang pulis na kapwa nakatalaga sa Pasig City Police Station ang kanilang motorcycle shop, nang walang kaukulang search warrant.
Naghalughog umano ang mga pulis sa shop at tinangay ang cellular phones ng mag-asawa, iba’t ibang mga parts ng motorcycle na binebenta ng mag-asawang Pablo ganun din ang P73,000 cash na kanilang napagbentahan.
Sapilitan pa umanong isinama si Mark kung saan hiningian sila ng P100,000, kapalit ng kanyang kalayaan.
Sa Maynila, inireklamo rin ng isang Koreano ang pangingikil sa kanya ng halagang P30,000 ng apat na pulis na nakadestino sa Mobile Patrol Unit.
Sa Las Piñas, sinibak din kamakalawa ang anim na tauhan nakatalaga sa Anti-Crime- Follow-up Unit ng Las Piñas City Police, na sasampahan ng kasong administratibo matapos na lumutang ang isang obrero na naging biktima nang pang-huhulidap.
Hindi lang sa Kalakhang Maynila, naging mainit ang pagkakadawit ng maraming pulis.
Sa ilang lalawigan, ilan naman ang nahuli dahil dawit sa illegal na droga. May ilan naman na sabit sa rape at pagpaslang. Hindi nga ba’t pulis din ang dawit sa pagpaslang sa car racing champ na si Enzo Pastor.
Dahil dito, marami naman sa matitinong pulis ang tila nade-demoralize sa mga pangyayari.
Talagang bumababa ang kanilang moral lalu na nga ang talagang nagpipilit sila para mapahusay ang kanilang trabaho at pagseserbisyo.
Kailangan na talagang tuluyang mawalis o maalis ang mga ‘bulok’ sa hanay na siyang sumisira sa kabuuan.
Ngayong viral na rin lang ang iba’t ibang ilegal na aktibidades na kinasasangkutan ng mga pasaway na alagad ng batas, ito na marahil ang pagkakataon para isagawa ang tuluyang paglilinis at ang makagagawa nito ay mismong ang nasa hanay din.
Kahit kumonti ang bilang basta’t matitino ang maiiwan.