Australyanong na-comatose, naging bihasa sa Chinese nang magkamalay
NA-COMATOSE ang 22-anyos na Australyanong si Ben Mcmahon nang siya maaksidente habang sakay ng kanyang kotse.
Kaya naman natuwa ang lahat nang magkamalay siya isang linggo matapos ang aksidente. Ngunit laking pagtataka ng mga tao nang hindi Ingles ang gamitin niya sa pagsasalita. Bagkus ay Mandarin Chinese ang ginamit niyang lengguwahe sa pakikipag-usap sa mga taong nakapaligid sa kanya nang siya ay magising.
Ayon kay Ben, Chinese ang lumabas mula sa kanyang bibig nang imulat niya ang mata at makita na ang nurse na umaasikaso ay may lahing Chinese kaya inakala niya na nasa China siya. Hindi lang din sa pagsasalita ng Chinese siya naging bihasa kung hindi pati na rin sa pagsulat nito.
Takang-taka naman ang mga nakakakilala kay Ben sa kanyang pagiging bihasa sa Chinese dahil kakaunti lamang ang alam nito sa nasabing lengguwahe bago siya mawalan ng malay. Bukod sa pag-aaral ng kaunting Mandarin sa eskuwelahan ay wala nang ibang naging pagsasanay sa nasabing lengguwahe si Ben.
Nagbigay naman ng mga bagong oportunidad kay Ben ang kanyang biglaang pagkabihasa sa Chinese. Nabigyan siya ng isang programang pantelebisyon sa Melbourne na layong magpaliwanag ng kulturang Australyano para sa mga Chinese immigrants doon. Kumikita rin siya bilang tourist guide para sa mga turistang Chinese na bumibisita sa Melbourne.
Kaya naman napakalaki ng kanyang pagpapasalamat hindi lamang sa pagkakaligtas niya sa aksidente na kanyang kinasangkutan kundi pati na rin sa kanyang bagong tuklas na pagkabihasa sa Chinese.
- Latest