ANG mga tuhod at kamay na ginagamit sa paggawa ay humihina kaya’t umaamot na lang sila ng tulong sa ipinundar nang sila’y malakas pa.
“Nagsumite na kami lahat ng dokumento. Wala ng pambili ng gamot ang papa ko. Pinagpasa-pasahan lang nila ako,” wika ni Archie. Regular na tumatanggap ng pensiyon sa Social Security System (SSS) ang ama ni Archimedes “Archie” Paragas, 31-taong gulang na si Aquilino-76. Mula nang mamatay ang kanyang inang si Rosalina ay inasikaso na niya ang matatanggap na benepisyo para sa kanilang ama. Halagang Php4,980 kada buwan ang pensiyon nito.
“Malakas pa ang tatay ko nung mamatay ang mama ko nung April 15, 2013. Mula rin nun madalas silang mag-away ng kapatid ko,” kwento ni Archie. Ika-30 ng Mayo 2013 ang kanyang ama naman ang na-stroke. Salaysay ni Archie umalis siya ng bahay nun dahil nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kapatid. Usapang pera ang madalas pagtalunan ng ama at ng kapatid na si Aristotle.
“Gusto niya, siya mamahala ng paupahan namin. Dalawa yun, isang tatlong libo at isang pitong libong piso. Siya ang kumukuha lahat,” wika ni Archie.
Dagdag pa niya, wala raw trabaho ang kanyang kapatid. Ang ilang kamag-anak ng kinakasama nito ay nakikitira sa bahay nila. Sa sunud-sunod na pag-aaway ng mag-ama inatake sa sobrang taas ng dugo si Aquilino. Hindi na nito naigagalaw ang kanan nitong katawan. Nagsimula siyang makatanggap ng pensiyon noong Enero 2014, si Archie ang ginawa nitong ‘guardian’.
“Ang burial benefit na dapat makukuha ng tatay ko napunta lang kay Kuya. Pang-pa-opera yun ni papa dahil may katarata siya,” salaysay ni Archie. Inaasahan ng kanyang ama ang pensiyon kada buwan upang may ipambili ng gamot. Nang dumating ang Mayo 25, 2014 wala itong natanggap. Makalipas ang dalawang araw nagsadya sa tanggapan ng SSS Welcome Rotonda si Archie. Sabi sa kanya tatawagan daw muna nito ang Main Office sa Quezon City upang malaman ang dahilan. Hunyo nang ipaalam sa kanila na Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) ang kailangang isumite. Ito ang panahon na tinitingnan nila na ang kanilang miyembro na tumatanggap ng pensiyon ay buhay pa at sa kanila napupunta ang ipinapadalang pera. Agad nila itong ipinasa at ang SSS Rotonda naman ang nagpadala sa Main Office. Ayon din kay Evelyn Pimentel staff ng SSS bumalik daw siya makalipas ang isang linggo.
“Pagpunta ko ulit sa kanya wala namang nangyari, walang magandang resulta. Nag-follow-up ako sa Diliman pero sabi nila hindi raw nila trabaho ang inilalapit kong problema,” sabi ni Archie.
Mali raw ang ginawa ng SSS Welcome, dapat sa Pasig daw ito ipinasa dahil doon ito ipoproseso. Pagkaraan ng dalawang linggo, muling tumawag si Archie kay Ms. Evelyn ngunit sagot nito wala pa raw resulta at tumawag na lang makalipas ang isang linggo.
“Tawag ako ng tawag para magtanong kung ano ang lagay ng pensiyon ng papa ko. Nawalan na ako ng trabaho para malakad ang pensiyon niya dahil kailangan niya raw. Hanggang ngayon wala pa siyang natatanggap. Ako lang kasi ang pwedeng mag-asikaso nito,” ayon kay Archie. Nang wala silang matanggap na pensiyon nabawasan na ang iniinom na gamot at hindi na nakapagpapasuri sa doktor.
“Pati laptop ko naisanla ko na para sa tatay ko. Maayos na sana para sa mga gamot niya,” pahayag ni Archie. Inaalala ni Archie na baka mas lumala ang kalagayan ng kanyang ama kung sakaling wala silang maipangtustos sa pampagamot nito. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan. Maraming pangamba ang tumatakbo sa kanyang isipan. Andiyan ang baka ang kartero ay hindi makarating ang tseke. Andun na ang kapatid niya ay baka makipagsabwatan sa kartero at sa kanya ibigay ang pensiyon, mga bagay na titingnan mo ay kulang ang tiwala sa kapwa at walang basehan.
BILANG TULONG tumawag kami sa Main Office ng SSS at nakausap namin si Vincent Legaspina, ayon sa kanya nakausap niya raw ang humahawak ng mga micro-settled claims at ibinalita niyang ibabalik na ng SSS ang buwan na hindi naibigay ang pensiyon nito. Ipinapasok na lamang sa computer at maaari nang ipadala sa pensiyonado.
“May magandang balita rin ako. Sa susunod na buwan lahat ng pensiyonado o miyembro ng SSS na tumatanggap ng benepisyo ay magkakaroon ng 5% dagdag,” wika ni Mr. Legaspina.
Sabi pa niya, hintay-hintayin na lamang daw ang tseke dahil ito’y ipapadala sa kanila ng SSS.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Archie.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga micro-settled account ay binabayaran ng SSS matapos itong suriin ng isa-isa. Hindi ito nakikita sa ‘online database’ nila kaya’t kung saan ka nag-apply ng pensiyon mo ay sila ang makakaalam kung ano na ang estado ng benepisyo mo. Makalipas ang ilang araw ibinalita sa amin ni Archie na natanggap na nila ang pensiyon ng kanyang ama at ang apat na buwang hindi nito natanggap. Halagang Php19,920 ang kabuuang halaga.
“Nagpapasalamat po ang papa ko sa itinulong ninyo sa amin. Marami pong salamat sa pag-asikaso sa inilapit naming problema. Makakabili na kami ulit ng gamot at makakapagpatingin na siya,” pahayag ni Archie. Kami nama’y nagpapasalamat din sa SSS sa aksiyon na ginawa nila sa inilapit naming problema. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.