PNP bulabog na naman!
MALAKING dagok na naman sa puwersa ng PNP ang nabulgar na pagkakasangkot ng may walo sa aktibong miyembro nito at isa pang dating opisyal sa insidenteng ‘ kidnap’ sa Edsa na nakunan ng larawan at kumalat sa social media.
Ito ay sa kabila nga ng kanilang pagpupursige na malinis ang kanilang hanay kasabay pa nga nang pagpapalakas sa kanilang kampanya laban sa krimen.
Nakapanlulumo talagang isipin na mismong mga taga-pagtupad ng batas at mismong taga-pangalaga sa kapayapaan at katahimikan sa komunidad ang nasangkot sa ganitong uri ng krimen.
Mismong sa iisang istasyon ng pulisya ang walong nasangkot sa insidente. Dalawa rito ay kapwa opisyal na magkaklase pa umano na nagtapos sa akademya ng pulisya.
Kung hindi naaktuhan nakunan ng isang netizen na siyang nagpost sa social media ng pangyayari at naging viral eh hindi pa mabubulgar ang ganitong insidente.
Kamakailan lamang isang pulis din ang nadawit sa kasong pagpaslang sa car racer na si Enzo Pastor.
Sa kanyang unang kwento siya mismo ang gumawa sa naturang pagpaslang sa racer sa halagang P100,000 na ibinayad ng sinasabing negosyanteng siyang utak.
Ngayon, itinatanggi na ito ng pulis at sinabing wala siyang kinalaman sa insidente. Una siyang nahuli sa isinagawang drug bust operation.
May ilan din na nahuli sa kaso ng droga na talagang nakakaalarma.
Dahil sa ganitong mga insidente, marami sa ating mga kababayan ang pinaghaharian ng takot at hindi maiaalis na nawawala ang kanilang tiwala sa law enforcement.
Dahil din dito, nadadamay ang ilang kapulisan na tapat at nagsisikap na magampanan ang kanilang tungkulin.
Bagamat marami na ang patakaran na ipinatutupad ang PNP laban sa mga scalawags at pasaway nilang miyembro, patuloy pa rin itong nasusumpungan at may ilan pa rin ng matigas ang ulo na sumisira sa institusyon. Nasasapawan tuloy ito ang ginagawang pagpupursige ng iba at hindi iyon ang nakikita.
Baka kailangan pa ng mas mahigpit na polisiya na ipatupad ang pamunuan, epektibo pang pamamaraan para maibalik ang tiwala ng mamamayan.
Supilin ang mga bulok, at bigyan naman ng pagkilala ang tapat na tumutupad.
- Latest