Dahil nga sa pumasok na ang ‘ber months’ kung saan inaasahan ang pagtaas ng mga street crime, tinugunan ito ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pamamagitan nang pagpapaigting ng checkpoints sa mga public utility vehicles (PUVs) partikular sa Metro Manila.
Kung ang mga motorsiklo nga naman na ngayon ay pala-ging isinasailalim sa pagbusisi sa mga checkpoint at maging ang ilang pribadong sasakyan, bakit hindi nga naman ang ilang pampublikong sasakyan na rito madalas ding mangyari ang mga holdapan.
Kaya sa pinalawig na ‘Oplan Sita’ posibleng magsasagawa na rin umano ang PNP ng random checkpoint sa mga pampublikong sasakyan.
Bukod dito, kung sa mga pampublikong bus ay ikinalat noon ang mga marshals na lalaban sa mga holdaper sa mga pampublikong bus, ngayon ikakalat din ang ganitong uri ng marshals sa mga pampublikong jeep na rito madalas na ring mag-operate ang mga kawatan.
Kadalasan pa ngang nagiging biktima sa holdapan sa mga jeep eh, mga kawawang estudyante.
Ayon pa sa NCRPO sa bawat istasyon ng pulisya ay bubuo ng tatlong teams para sa nasabing checkpoint at ito’y kailangang ipatupad ng 24/7.
Habang papalapit nang papalapit ang holiday season sa buwan ng Disyembre, eh siya namang pagdami ng mga nagaganap na street o petty crime sa Kalakhang Maynila kaya nga marapat lang na ibat-ibang strategy ang isagawa ng PNP para ito malabanan.
Hindi lang isa, kundi marahil kailangang pagsabay-sabayin ang estratihiya para maibsan ang takot ng marami nating mga kababayan sa matinding mga krimen at karahasan sa mga lansangan.
Pero dapat tutok talaga at hindi hanggang umpisa lamang.