EDITORYAL - Mga ‘bugok’sa PNP

SA isang basket na puno ng itlog, tiyak na may mapapahalong bugok. Kailangang hanapin ang bugok at baka mahawa ang iba pang mabuting itlog.

Ganito ang nangyayari sa Philippine National Police (PNP). Nahahaluan na ng bugok ang hanay ng mga pulis kaya nasisira ang pagkilala ng mamamayan. Marami na ang nahihintakutan sa ginagawa ng mga bugok na pulis.

Noong nakaraang linggo, nagkaroon nang malagim na pangyayari sa Pangasinan National High School (PNHS) sa Lingayen. Apat ang namatay makaraang magpaputok nang walang habas ang pulis na si PO3 Domino Alipio. Nagtungo umano sa paaralan si Alipio dakong 4:00 p.m. para maningil ng pautang sa mga guro. Kasama umano ni Alipio ang kanyang collector at agent, pero nang walang makolekta si Alipio sa mga nangutang na guro, dito na siya nagalit. Pumasok siya sa isang classroom kung saan nagdaraos ng meeting ang mga guro at walang patumanggang namaril gamit ang kalibre 45. Nang matapos ang pamamaril, nakabulagta ang tatlong guro na pawang patay na. Isa ang isinugod sa ospital pero namatay din umano. Ayon sa report, tinatayang 39 na mga guro ang nakakuha ng utang kay Alipio na ang pinakamalaki ay P200,000. Matagal na umanong nagpapautang ang pulis sa mga guro.

Naaresto agad si Alipio at nahaharap siya ngayon sa mabigat na kaso. Inihahanda na ang pagsibak sa kanya sa serbisyo.

Kamakailan lang, isang pulis din ang hinuli makaraang masangkot sa pagpatay sa car racer na si Enzo Pastor. Inamin ng pulis na si PO2 Edgar Angel na binayaran siya ng P100,000 para patayin si Pastor. Kapag naisagawa ang pagpatay, may bonus pa siyang P50,000. Naisagawa ang krimen pero nahuli rin siya.

Nakakatakot na ang ilang pulis. Gumawa naman sana ng hakbang ang PNP chief para hindi mahaluan ng mga “bugok ” ang PNP. Kapag nabugok na rin ang iba pa, maguguho na ang PNP dahil wala nang magtitiwala sa kanila.

 

Show comments