Hanggang saan ang kalawakan?

MERON bang hangganan ang kalawakan? Kung meron mang sukat ng kalawakan na makikita sa anumang babasahin o panooring pang-agham, inaasahang ito ay pagtataya lamang ng mga eksperto bagaman sinisikap nilang gumamit ng mga makabagong sistema o instrumento para matukoy ang katotohanan.

 Kaya nga, hanggang ngayon, nananatiling hiwaga ang kalawakan.  Isa rin ito sa mga dahilan kaya mahirap masagot ng tao kung sila lang ba ang nabubuhay na matalino o maunlad na nilalang sa buong kalawakan. Sa lawak nito, parang mahirap maisip na walang ibang nilalang na nabubuhay sa labas ng Daigdig o sa ibang sulok ng buong kalawakan.

 Ayon sa  isang pag-aaral ng grupo ni Mark Reid ng Harvard-Smithsonian Center for Astrophysics sa Cambridge (US), ang Milky Way na isa sa mga galaxy at siyang kinaroroonan ng ating Daigdig ay mas malaki sa dating pagtataya ng  agham.

Kasinglaki lang daw ng Andromeda ang Milky Way o mas malaki ng 15 porsiyento mula sa dating kapaniwalaan.

Ginamit nina Reid sa pagsukat sa Milky Way ang Very Long Baseline Array na isang sistema ng 10 radio telescope na nakakalat sa North America.     

Sinasabi pa sa kanilang pananaliksik na umiikot ang Milky Way sa sentro nito sa bilis na 914,000 kilometro bawat oras. Mas mataas ito kumpara sa naunang pagtataya na 792,000 kilometro bawat oras. 

Tinaya rin na ang mass ng  Milky Way ay mas higit pa sa 50 porsiyento sa naunang inaasahan.  Halos pumantay ito sa Andromeda na itinuturing na pinakamalaking galaxy.

Ayon sa wikipedia, ang Milky Way ay may diameter na 100,000 light years; may kapal na 1,000 LY; at naglalaman ng mula 200 hanggang 400 bilyong bituin.

At iyan ay ang Milky Way pa lamang. Isa lang sa mga galaxy sa buong kalawakan.

• • • • • •

Isang asteroid na pinangalanang 2014 RC na singlaki umano ng isang bahay ang napaulat na dadaan malapit sa daigdig sa Linggo pero, ayon sa National Aeronautics Space Administration, wala itong masamang banta sa ating planeta. Tinayang 25,000 milya ang magiging layo lang ng asteroid kapag napadaan sa daigdig.

 

Show comments