Kuryente
NAIS magtayo ng power plant ng negosyanteng si David Tan sa Oriental Mindoro para isulong ang adhikain niyang mapababa ang singil ng kuryente sa mga residente roon. Malaki kasi ang paniniwala ni Tan na kapag nabuo na niya ang power plant, ang kuryente sa Oriental Mindoro ay magiging masagana at mababa pa ang presyo. Subalit ang lahat ng plano ni Tan ay nalusaw dahil hindi siya pinayagan ng provincial government na ituloy ang proyekto. Sinabi ng mga kosa ko na napatunayan ng mga opisyales ni Or. Mindoro governor Umali na walang kakayahan ang opisina ni Tan na magpapatakbo ng power plant. Imbis na magkaroon sila ng murang kuryente, eh baka puro brownout lang ang idudulot ng power plant ni Tan sa kanila pag nagkataon. Kaya goodbye na lang sa power plant project ni Tan. Hehehe! Kanya-kanyang palusot lang ‘yan, di ba mga kosa?
Kahit baldado na siya sa power plant project, hindi naman sumusuko si Tan para mapababa ang singil ng kuryente, hindi lang sa Metro Manila, kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa. Panay batikos sa ngayon ni Tan, gamit ang isang NGO, sa sobrang mahal ng singil ng kuryente. Sinabi ng mga kosa ko na mismong si Tan ang tahasang nagsabi na wala pang certification ang NGO na ginagamit niya sa krusada laban sa mataas na singil ng kuryente. Sa biglang tingin, maganda ang krusada ni Tan dahil milyones na households ang makikinabang. Subalit paano niya makukumbinsi ang followers niya kung palpak ang pamamaraan niya para ikalat ang mga hinaing niya sa power rate hikes nga? Puro laway lang kaya ang krusada ni Tan? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Me kasagutan sa susunod na mga araw!
Sa ngayon kasi, inaamin ng Department of Energy (DOE) na maaring magkaroon ng sigalot sa supply ng kuryente sa susunod na taon kapag hindi nagtayo ng mga bagong power plants. Kaya ang DOE at ang Energy Regulatory Commission (ERC) ay nagbuo ng task force para maiwasan ang malawakang brownout sa 2015. Kaya dapat magkaroon na nang konkretong solusyon sa nakaambang brownout at hindi puro dada lang tulad ng ginagawa ni Tan, anang mga kosa ko. Napuna kasi ng mga kosa ko sa mga pahayagan na balatkayo lang ang krusada ni Tan laban sa mataas na singil sa kuryente dahil, sa totoo lang, meron siyang ibang agenda. Ngeek! Ano kaya ang tunay na agenda ni Tan? Kayo mga kosa, alam n’yo? Hehehe! Lalabas at lalabas din ang katotohanan, di ba mga kosa?
Sinabi rin ng mga kosa ko na mayroon ding kompanya si Tan kung saan inireklamo rin siya sa hindi makatwirang pagpatalsik ng mga empleado niya. Tinatakasan umano nito ang responsibilidad tulad ng suweldo ng tauhan, 13thmonth pay at higit sa lahat ang separation pay. Aba maraming pamilyang Pilipino ang magugutom sa sistemang ito ni Tan, di ba mga kosa? Kaanu-ano kaya ni Tan si David Tan na iniimbestigahan ng Senado sa rice smuggling? Iisang personalidad lang kaya sila? Hayyyy! Ano ba ‘yan? Bukas ang pitak ko sa panig ni David Tan. Abangan!
- Latest