MULA nang madiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tangkang pagpapasabog sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang Lunes, sobrang higpit ang ipinatutupad sa airport. Bawat pumasok na sasakyan ay iniinspeksiyong mabuti. Wala ring tigil ang pagroronda ng mga airport police na may kasamang K-9 para masigurong wala nang makalulusot. Pero ang tanong, hanggang kailan ang paghihigpit na ito? Isang linggo o isang buwan?
Inaresto naman ng NBI si Atty. Ely Pamatong dahil ito raw ang may pakana sa nabigong pambobomba. Kinasuhan naman ang apat na lalaking sakay ng Toyota Revo na nakunan ng mga “improvised explosive divices” habang nasa parking area ng Terminal 3. Bukod sa pampasabog, nakuhanan din ng baril ang mga lalaki. Nang mahuli, nagpakilalang reserved military officers ang mga suspek. Bukod sa pambobomba sa NAIA, balak din umanong bombahin ang Mall of Asia, at ilang tanggapan sa Makati City.
Kung natuloy ang tangkang pagpapasabog sa NAIA, tiyak na maraming mamamatay. Isang ma-laking kahihiyan na naman ang idudulot sa mundo sapagkat lagi nang binabatikos ang NAIA bilang pinaka-worst airport. Hindi lamang pala ang pangit na pasilidad, sirang aircon, sirang comfort room, kakulangan sa tubig kundi pati pala ang grabeng kaluwagan sa seguridad ang problema. Ilang taon na ang nakararaan, isang mayor ang binaril at napatay sa NAIA. Nagkunwaring mga pulis ang pumatay sa mayor. Nakatakas ang mga suspek na hindi man lang natugis ng airport policemen.
Sana, regular ang pagrerekisa at pag-iinspeksiyon at hindi kung kailan may nag-attempt nang mambomba o magpasabog saka maghihigpit. Huwag ningas-kugon. Ipatupad ang masusing pagbabantay lalo pa sa mataong airport. Dapat malaman na naghihintay lamang ng magandang pagkakataon ang mga may “utak-pulbura” para maisagawa ang kanilang masamang hangarin. Isaisip ang mga buhay na masasayang kapag nagpabaya sa tungkulin.