‘Salamangkerong money changer’

BINABALAAN ang publiko partikular ang mga kaanak ng overseas Filipino workers na papadalhan ng denominasyon ng dolyares. Mag-ingat sa mga nagkalat na bogus money changer.

Tuwing papalapit na kasi ang kapaskuhan, mas nagiging aktibo, agresibo at mapamaraan lalo ang mga dorobo para makapanloko.

Kaya naman, pinapaalalahanan ang mga magpapapalit ng dolyar sa peso na maging atentibo at ‘lerto. Baka kasi mapasama kayo sa estatistika ng mga nabibiktima ng mga salamangkero.

Maaaring magtataka kayo, pero kadalasang makikita ang kanilang pwesto katabi mismo ng mga malalaking establishemento ng totoo at lehitimong money changer.

Matagal nang nadiskubre ng BITAG ang pakikipagsabwatan nitong mga lehitimong money changer na ito sa bawat operasyon ng mga bogus kung saan mag-aalok sila ng palitan ng pera sa mas mataas na foreign exchange rate.

Kaya naman kung praktikalidad ang pag-uusapan, mas maraming pumupunta sa mga bogus dahil mas malaki ang katumbas ng perang ipapapalit na dolyar. Subalit lingid sa kanilang kaalaman, BITAG pala ito ng mga mandurugas at kawatan.

Nangyayari ang hokus-pokus sa pagitan ng empleyado ng bogus money changer at target victim.

Ang siste, kapag napalitan na ng peso ang dolyares, unang bibilangin ito ng utak-kriminal na teller ng bogus money changer. Para hindi kunwari pagdudahan, ipapabilang niya rin ito sa kustomer. Pero, muli niya itong babawiin para kunwari’y sisiguraduhing parehong tama ang kanilang bilang.

Sa bilis ng pitik ng daliri sa pagbibilang, hindi namamalayan ng pobreng biktima, sinasadya pala ng putok sa buhong teller na maglaglag ng pera. Kaya ang perang nauna nang ipinabilang sa biktima, bawas at kulang-kulang na.

Paalala ng BITAG sa mga magpapapalit ng dolyar lalo na ngayong “ber” months, huwag kayong pumayag na ang teller ang huling magbibilang ng inyong ipinapalit na pera.

Asahan nang marami pang magsusulputang fly-by-night money changers ngayong papalapit ang kapaskuhan.

Hangga’t mayroong mga mandarayang malalaki at lehitimong money changer na nakikipagsabwatan sa mga bogus na establishemento, mamamayagpag  ang ganitong uring modus.

Upang makaiwas at hindi mabiktima ng mga dorobo, mag log-on sa bitagtheoriginal.com click “MODUS BUSTER.”

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan

tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

 

Show comments