ISANG pamilya mula Alabama, US ang nagtulong-tulong para mahuli ang pinakamahabang alligator sa mundo.
Nabalita ang kanilang ginawa dahil hindi pangkaraniwang alligator ang kanilang nahuli. Sa haba nitong 15 talampakan at sa bigat na lampas kalahating tonelada, masasabing dambuhalang alligator ang kanilang nahuli.
Hindi naging madali sa pamilya Stokes ang ginawa nilang paghuli sa alligator. Ang pamilya Stokes, na binubuo ng mag-asawang John at Mandy, at ng kapatid ni Mandy na si John, kasama ang dalawa niyang anak na teenager, ay inabot ng limang oras sa pakikipaglaban sa higanteng alligator bago nila ito nahuli.
Nakatagpo ng pamilya ang dambuhalang alligator habang binabagtas nila ang isang sapa sakay ng isang bangka. Nakahanda sila sa engkuwentro sa higanteng alligator dahil sanay na silang manghuli ng mga ito.
Ilang beses na nilang nahuli ang alligator ngunit sadyang masyadong malaki at malakas. Nakipagbuno pa ito sa kanila ng limang oras. Sa sobrang likot ng alligator, halos maubos nila ang baon nilang dalawang dosenang bakal na pamingwit.
Kalaunan ay napagod din ang dambuhalang alligator. Sa pagkakataon nang ito nila pinaputukan ng shotgun ang alligator upang tuluyan na nilang mabingwit at maiahon sa tubig.
Nalampasan ng nahuling alligator ang dating record holder na may sukat lamang na 14 talampakan at bigat na umaabot lamang ng mahigit 800 pounds.
Wala pang plano ang pamilya Stokes kung anong gagawin nila sa katawan ng dambuhalang alligator na kanilang nahuli.