NAKAKATUWA rin na nauso ang Facebook. May tsansa kang mang-stalk ng dati mong karelasyon. Nagkataong kamag-anak ng aking Facebook friend (FF) ang dating boyfriend ng aking pinsan. Hindi naging maganda ang kanilang paghihiwalay kaya hanggang sa kasalukuyan ay magkaaway sila. Pareho na silang may-asawa pero aminin man o hindi, dumarating ang moment na naku-curious ang aking pinsan kung ano na ang naging buhay ng kanyang kaaway na ex boyfriend. Hindi dahil sa mahal pa niya kundi gusto niyang malaman kung “waley” ba o “havey” ang family life nito. Parang mas matutuwa siya kung naging “waley” ang naging buhay nito. Meaning palpak ang naging buhay. Sobrang sakit kasi ang ginawa ng lalaking ito sa kanya, kaya ikakatuwa niya kung kalungkutan ang kinasadlakan nitong buhay.
May special happy event na nangyari sa pamilya ng aking FF kaya picture, picture sila. Nai-post ito sa Facebook. Naroon si Ex-boyfriend ni Pinsan. Kumpleto, pati misis at mga anak. Ipinakita ko kay Pinsan ang family picture ng kanyang “ex”. O, anong say mo? tanong ko.
“Mas maganda pa ako sa misis. At ‘yung mga anak, may hitsura naman sila pero mas cute pa ang mga anak ko.”
Tumawa ako. May katotohanan ang comment niya. Hindi dahil pinsan ko siya, kundi talagang totoong mas maganda pa siya at ang kanyang mga anak. Pogi ang kanyang “ex” pero ang misis nito ang kamukha ang mga bata. Umalis na ang aking pinsan pero nakatitig pa rin ako sa screen ang aking computer. Tinititigan ko ang family picture ng ex-boyfriend ng aking pinsan. Isang makabagbag na damdaming leksiyon ang aking natutuhan: Kung magpapa-picture kayo at alam mong 100 percent na ipo-post ito sa Facebook, be sure na maayos ang bihis at mga hitsura ninyo. Who knows, makarating ang picture na iyon sa iyong “ex” na ini-stalk ka pa rin at ikakaligayang makita na naghihikahos ka sa buhay dahil may atraso ka sa kanya.