Manong Wen (38)

“HINDI makapaniwala si Gem­ma nang iabot ko ang bungkos ng pera dollar, isang araw bago siya umuwi ng Pinas. Namatay diumano ang inay niya at walang-wala siyang pera. Halos hindi siya makapagsalita dahil siguro sa nakitang maraming dollar…’’ pagkukuwento ni Jo kay Princess na wala namang kakurap-kurap habang nakikinig.

“Sabi ko sa kanya, gastusin niya sa anumang panga-ngailangan para sa pagpapalibing sa inay niya. Halos yakapin ako ni Gemma at pagkatapos ay pinaghahalikan ako sa labi. Sa sobrang katuwaan siguro ay ipinagkaloob uli ang pagkababae. Halos magdamag kaming nagmahalan. Sabi pa nga niya mga isang buwan siyang mawawala kaya kailangang magpakasawa kami sa isa’t isa. E ako naman ay talagang sabik na sabik lagi sa kanya kaya talagang walang sinayang na panahon.

‘‘Kinabukasan, aalis na siya. Gabi ang flight niya. Sabi ko’y ihahatid ko siya sa King Khalid International Airport pero tumanggi. Huwag na raw. Kaya naman daw niyang mag-isa. Sanay daw siyang umalis na hindi inihahatid. Wala akong nagawa dahil iyon ang gusto niya.

“Habang nasa Pilipinas siya ay mag-isa ako sa inuupahan naming villa. Inip na inip naman ako. Hindi ko naman matawagan dahil walang telepono sa probinsiya na kinaroroonan ng namatay daw na ina. Hindi pa naman uso nun ang cell phone. Hindi ko rin masulatan dahil wala namang binigay na address.

“Isang buwan akong nagtiis ng lungkot. Pero sabi ko tala-gang ganoon ang nagmamahal. Kailangang magtiis. Mahal na mahal ko talaga si Gemma. Lahat ay maaaring tiisin at lahat ay ibibigay.

“Dumating siya eksaktong isang buwan. Biglang duma-ting sa aming nirerentahang bahay. Tingin ko sa kanya, walang inindang lungkot sa pagkamatay ng kanuyang ina. Masaya siya.

“Kinumusta ko ang mga nangyari sa pagkamatay ng ina. Na-stroke daw. Na-ospital daw ng ilang araw. Malaki raw ang binayaran niya sa ospital. Mas malaki raw ang nagasto niya sa pagpapalibing. Halos wala raw natira ang ibinigay kong pera. At pagkatapos magkuwento, ay napaluha. Naalala raw niya ang kanyang inay. Mahal na mahal daw niya ang kanyang inay. Sabi pa nang nasa ospital daw ay siya ang hinahanap.

“Pero ang ipinagtaka ko ay nang walang maipakitang picture sa libing ng ina. Ang katwiran niya ay hindi pa raw nadedebelop. Hindi na ako nagpumilit pa.

“Dahil matagal kaming hindi nagkita, nasabik ako. Siyempre humiling ako. Aba nagtaka ako dahil parang umiiwas. Parang ayaw niya. Hindi na ako nagpumilit dahil siguro nagdaramdam pa rin sa pagkamatay ng ina. Inunawa ko si Gemma. Siguro naman, makaraan ang ilang araw ay balik uli siya sa pagiging masigla.’’

(Itutuloy)

Show comments