Saan pag-aaralin ang anak?

TATLO at kalahating taong gulang na si Gummy ngayong Setyembre. May ilang kapwa magulang ang nagtatanong sa akin kung saang big school ko balak pag-aralin si Gummy. Dahil sa K-12 Educational System, mas maaga ng ipinapasok ang mag-aaral ngayon sa big school. Anu-ano ba ang mga konsiderasyon ng magulang sa pagpili ng paaralan ng anak?

1. Quality ng edukasyon. Malalaman ito base sa iyong karanasan kung ikaw ay nag-aral sa paaralan kung saan nais ipasok ang anak. Kung hindi man ay base sa mga kakilala mong dito nagtapos, o nakapag-aral doon. Kung wala ka namang kakilala, marahil ang magiging batayan mo lang ay ang curriculum nila base sa oryentasyon/briefing na ibibigay nila sa iyo. Sang-ayon ka ba sa mga subjects para sa iba’t-ibang baitang? Sapat ba ang dami o sobra ang subjects? Ang schedule, makatao ba o nakakapagod para sa anak?

2. Halaga ng matrikula. Aminin man natin o hindi, isa ito sa pangunahing concern ng mga magulang. Bagamat lahat naman tayo ay inaasam ang best education sa ating mga anak, limi­tado pa rin tayo dahil sa laman ng ating bulsa. Base sa iyong income, saan bang paaralan mo kakayaning bunuin ang matrikula? May mga ilan naman na kakayanin ang matrikula kung sa tingin nila ay talagang may quality ang edukasyong naibibigay sa kanilang anak.

3. Lokasyon. Gaano ba ito kalayo sa inyong tinitirhan? Mahirap manggising ng bata sa umaga. Not unless sobrang excited ng iyong anak na pumasok araw-araw na hindi mo pa kinakatok ay nakaligo at bihis na. Minsan din kung maaga na nga ang pasok at masyado pang malayo ang paaralan, baka naman stress ang maidulot nito sa anak. Dahil imbis na nakakapagpahinga at nakakatulog sila ng sapat at tama ay binabiyahe na. Sa ilang mga magulang, konsiderasyon nila ito dahil kasama sa pagbabudget ang gasoline, pamasahe at pambayad sa school bus. Pero para sa karamihan ay hindi alintana ang haba ng biyahe kung maganda ang edukasyon.

4. Kultura ng mga mag-aaral dito. Hindi maikakaila ngayon na iba ang hubog sa mga mag-aaral ng kanya-kanyang kultura ng kanilang paaralang pinagmulan. Halimbawa, iba ang galing ng UP sa Ateneo at DLSU. Ngayon kung ito ay basehan, saan nakikita ang anak na hinuhulma ng aling kultura, gawi o pamamaraan?

5. Exclusive o co-ed. Isa ito sa mabuting pinag-iisipan ng mga magulang dahil malaki ang epekto ng pakikihalubilo ng anak sa opposite sex. Gusto kong sa Co-Ed ipasok si Gummy, tulad ko, para lumalaki siyang exposed sa presensiya at realidad ng pagkakaroon ng lalaki sa ginagalawan niya.

Show comments