Turban na may bigat na 100 pounds, pinakamalaki sa mundo!

SI Avtar Singh Mauni ay isang 60-taong gulang na ‘holy man’ sa India at kilala siya sa kanyang suot na turban. Ang turban na lagi niyang suot ang sinasabing pinakamalaki sa buong mundo.

Umabot sa 100 pounds ang timbang ng turban ni Avtar. Ngunit hindi na dapat magtaka sa bigat na ito ng turban dahil ito ay binubuo ng isang telang may habang 2,115 na talampakan. Ang habang ito ay katumbas ng 13 Olympic-sized swimming pools na pinagdikit-dikit.

Sa sobrang bigat at laki ng turban ay inaabot ng anim na oras si Avtar para mailagay ito sa kanyang ulo. Hindi rin niya kayang maglakad ng malayo habang suot ito kaya kailangan niyang mag-motor papunta sa templo araw-araw.

Malaki mang abala ang pagsusuot ng turban, lubos namang­ ipinagmamalaki ni Avtar ang pagsusuot nito.

Kasalukuyang hawak ng isa niyang kababayan ang opisyal na world record para sa pinakamalaking turban. Pero ang nasabing turban ay may habang 1,312 talampakan lamang kaya inaasahan na ang world record ay makukuha ng turban ni Avtar.

Ayon naman kay Avtar, kapag nasungkit niya ang world record ay baka pagkaguluhan siya. Naiilang daw siya kapag masyadong pinagkakaguluhan ng mga taong gustong ka­samang magpa­litrato habang suot ang malaking turban.

Show comments