‘Sinasamantalang Ice Bucket Challenge’

NAUUSO ngayon ang “Ice Bucket Challenge” sa buong mundo. Ito ’yung pagbubuhos ng tubig na may yelo sa isang indibidwal. Nag-umpisa ito sa Estados Unidos noong nakaraang buwan.

 Layunin ng Ice Bucket Challenge na magbigay ng awareness o kamalayan sa sakit na Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS) o Lou Gehrig’s Disease at maglikom ng donasyon para sa isang pag-aaral.

Maganda ang layunin ng Ice Bucket Challenge dahil makakatulong ito sa mga lubos na nangangailangang indibidwal.

Sa Pilipinas, marami na rin ang nakikigaya at nakiki-“in.” Walang masama sa pagtanggap ng “hamon” na ito. Ang problema, marami ang nakikisawsaw, nakiki-angkas at nakikisakay na mga pulitiko.

Sinasamantala at ginagamit nila ang isinusulong na adbokasiya para magpasikat, maging laman ng balita, magpa-pogi, magpapansin at mapag-usapan ng publiko.

Kaya ang nangyayari, sa halip na nakasentro ang pansin doon sa saysay ng Ice Bucket Challenge, sa kanila na naibabaling ang buong atensyon.

Nakakalimutan at naisa­santabi na ang totoong prinsipyo nito kung bakit ito isinusulong o para makatulong at magbigay ng kontribusyon.

Kung intensyon ng isang personalidad lalo na ng mga kumag at kulang sa pansin na mga pulitiko na magbigay ng tulong at donasyon, hindi na kailangang magpabuhos pa ng tubig sa ulo.

Tumigil nga kayo sa mga ka-epalan ninyo. Tumulong na lang kayo. Tsk…tsk!

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments