SI Ann Makonski, 16, estudyante, may dugong Pinoy mula Victoria, Canada ay nakaimbento ng isang kakaibang flashlight na hindi gumagamit ng baterya. Sa halip, umiilaw ito sa pamamagitan ng init ng katawan mula sa taong may hawak nito.
Simple lang gamitin ang naimbentong flashlight ni Ann, kailangan lamang na hawakan ang flashlight ng taong gumagamit upang ito’y umilaw.
Ang sikreto sa likod ng simple pero kamangha-manghang imbensyon ni Ann ay ang tinatawag na thermoelectric technology. Ang teknolohiyang ito ang nagko-convert ng init mula sa kamay ng humahawak sa flashlight upang maging kuryente na magpapailaw sa bumbilya ng flashlight.
Ayon kay Ann, naisip niyang umimbento ng flashlight na hindi kailangan ng baterya nang minsang malaman niya na may mga kaibigan siya sa Pilipinas na hindi makapag-aral sa gabi dahil walang ilaw sa kanilang lugar. Hangad niyang makatulong ang kanyang naimbento para sa mga kabataang naapektuhan ang edukasyon dahil sa kakulangan ng kuryente sa kanilang lugar.
Dahil sa kanyang naimbento ay nagkamit si Ann ng maraming parangal. Naimbitahan na siya sa ilang programang pantelebisyon sa Amerika at maging ang Google ay binigyan siya ng scholarship bilang premyo dahil sa imbensyon.
Ngunit hindi sa kanyang naimbentong flashlight nagtatapos ang misyon ni Ann na tulungan ang mga kabataang nangangailangan ng liwanag para sa kanilang pag-aaral. Sunod niyang plano na gumawa ng isang lampara na hindi rin kailangan ng baterya.