NOONG bata pa kami, kapag may nararanasang maaksiyong encounter sa mga kriminal ang aking tatay na pulis ay ikinukuwento niya ito sa aming magkakapatid.
Isang gabi ay may hinabol daw silang magnanakaw. Pinasok nito ang ilang malalaking grocery sa palengke pero may nakakita kaya nakapagsumbong kaagad sa mga pulis.
Nagkataon si Tatay at ang isang kasama ang naka-duty noong mga oras na iyon sa police outpost kaya sila ang humabol sa magnanakaw na tamang-tama na lumalabas sa pinagnakawang grocery. Sa wakas ay nakorner ni Tatay at ng kasama nito ang magnanakaw sa isang sulok ng palengke. Anong gulat nila nang makilala nilang pamangkin ng isang pulitiko ang magnanakaw. Hindi naman kaibigan pero kabatian ni Tatay ang magnanakaw. May hawak din itong baril.
“Mga pare… mga sir, heto ang P100, pabayaan n’yo na lang akong umalis na parang walang nangyari,” pakiusap ng magnanakaw.
(Noong panahong iyon, P1.50 raw ang isang kilong karneng baboy. Sa halagang P500 ay puwede nang magpatayo ng isang maliit na bahay na yari sa kahoy.)
“Sumuko ka na... pare para hindi na tayo magkasakitan pa!” sagot ni Tatay
“ Okey na ba ang P200?”, iwinagayway pa ng magnanakaw ang pera.
Walang sumasagot sa dalawang pulis. Iniisip daw ni Tatay kung paano niya maaagaw ang hawak na baril. Ewan daw niya kung ano ang iniisip ng kasama at walang kaimik-imik sa likod niya. Ang magnanakaw ulit ang nagsalita.
“P300?” iwinagayway ang pera sa hangin
Nagkaroon si Tatay ng pagkakataong masipa ang kamay na may hawak na baril. Sabay suntok sa mukha kaya natumba ang magnanakaw, pinosasan at naikulong.
Natapos ang kuwentuhan naming mag-aama. Habang kumakain, may naitanong ako sa aking tatay.
“Hindi kayo natukso ng iyong kasama na tanggapin ang three hundred pesos? Di ba sabi mo, puwede nang magpagawa ng bahay sa halagang five hundred pesos?”
“Ang mabuting pulis ay hindi dapat nagpapadala sa kaway ng pera. Kaya lakas-loob akong nag-flying kick para tumigil na sa katatawad ang lokong ’yun. Aba, baka bumigay na kami ng aking kasama kapag umabot ng P500 ang tawad. Parang Pera o Kahon ni Pepe Pimentel!”
Alam ko, biro lang ang sinabi niya na baka sila “bumigay” kapag umabot sa P500 ang tawad. Minsan ay may hinuli siyang nagmaltrato sa kanyang katulong. Binibigyan siya ng isanlibong piso ng among malupit, hayaan lang itong makatakas at magtago. Nag-iisa lang si Tatay noon. Puwede niyang sabihin sa kanyang hepe na hindi na niya naabutan sa bahay ang suspect. Ngunit pinili pa rin niya ang tama.