SI Samantha Young ay lumaki sa isang alligator farm sa Colorado na pinapatakbo ng kanyang pamilya. Ang pakikisalamuha niya sa may 300 alligators ang dahilan kung bakit nasanay siya sa pakikibagbuno sa mga ito at mabansagang pinakabatang alligator wrestler sa buong mundo.
Nagsimula si Samantha na makipagbuno sa mga alaga nilang alligator noong siya ay anim na taong gulang pa lamang. Ginabayan siya ng kanyang mga magulang sa pakikipagbuno sa mga alligator dahil alligator wrestler din ang mga ito. Noong una ay takot pa siyang lumapit sa mga alligator ngunit noong tumagal ay nasanay na rin siya sa pakikipagbuno sa mga mababangis nilang mga alaga.
Kabisadung-kabisado na ni Samantha ang mga paraan kung paano makokontrol ang mga alligator kaya naman sa kabila ng kanyang murang edad ay siya na mismo ang nagsasanay sa ilang US Marines na sumasailalim sa survival training upang matutunan nila kung paano makaligtas kung sakaling makatagpo sila ng mga alligator sa gubat.
Ayon kay Samantha ay hindi naman mahirap makipag-wrestling sa mga alligator. Ang kailangan lang gawin ay sakyan ang mga ito sa likod at hawakan nang mahigpit sa leeg upang hindi makagalaw ang ulo nito. Sa ganitong posisyon ay hindi na makakapangagat ang alligator.
Patok naman ang alligator farm ng pamilya ni Samantha sa mga turista. Bukod sa kanilang mga alagang alligator ay inaabangan din ng mga bumibisita sa farm si Samantha at ang kanyang exhibition kung saan ipinapamalas niya sa mga manonood ang kanyang natatanging kakayahan sa pakikipag-wrestling sa mga alligator.