Kinakatakutan ang mga piranha dahil sa talim ng mga ngipin at sa bilis sumagpang sa kanilang biktima. Ang Amazon River ang sinasabing tirahan ng mga piranha sa mundo. Dito rin sa ilog na ito nahuli ang sinasabing pinakamalaking piranha sa mundo.
Ang nakahuli sa dambuhalang piranha ay kilalang eksperto sa panghuhuli ng mga kakaibang isda na si Jeremy Wade. Nilalakbay niya ang Amazon River sa Brazil para sa kanyang palabas na nagtatampok ng mga kakaibang isda nang matagpuan ang napakalaking piranha.
Para mahuli ang piranha, kinailangang itodo ni Wade ang paghila sa kanyang pamingwit upang maiahon ito sa tubig. Napag-alaman na ang nahuling piranha ay may habang limang talampakan at bigat na 100 pounds.
Dahil sa kakaibang laki, sinasabing inaatake ng higanteng piranha ang mga malalaking hayop gaya ng buwaya.
Kaya ingat na ingat si Wade sa pagkarga sa isda dahil maaring mangagat pa rin ito kahit wala na sa tubig. Malaking pinsala ang magagawa ng kahit isang kagat lang ng piranha dahil sa lakas ng panga nito na kayang-kayang pumutol ng kahit anong masasakmal nito.
Matapos sukatin at kunan ng litrato ay ibinalik din ni Wade ang piranha sa ilog bilang pagrespeto sa kalikasan at sa mga hayop na nakatira rito.