MGA hepe ng pulis ang dapat managot kung bakit pataas nang pataas ang crime rate sa Metro Manila at karatig na lungsod. Halos araw-araw ay may naitatalang krimen. Kahit sa gitna ng sikat ng araw, may nanghoholdap ng dyipni at nililimas ang pera, cell phone, alahas at iba pang pag-aari ng mga pasahero. Ang sinumang lumaban o ayaw ibigay ang hinihingi, pinapatay. Patuloy din naman ang pamamayagpag ng riding-in-tandem at kahit sa karamihan ng tao, binabaril ang kanilang target. Naglinya na rin sila sa panghoholdap ng convenience store at mga gasolinahan ang mga riding-in-tandem at ang sinumang pumalag ay pinapatay. Laganap din naman ang carjacking na walang anumang nakakatangay ng sasakyan sa kabila na nasa harapan na ito ng bahay.
Marami pang pangyayari sa Metro Manila na naghahatid ng takot sa mamamayan. May mga nagtatanong kung saan pang lugar ligtas tumira.
Mga hepe ng pulis ang dapat papanagutin kung bakit maraming nangyayaring krimen sa kanyang nasasakupan. Kung ang hepe ng isang police station ay iresponsable sa trabaho, tiyak nang aapaw ang krimen sa sakop niyang lugar. Gagayahin siya ng kanyang mga tauhan. Kung walang silbi ang pinuno, wala ring silbi ang mga tauhan.
Tama lamang ang hakbang ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na sibakin sa puwesto ang mga hepe ng pulis na hindi makatupad ng tungkulin sa kanilang nasasakupan. Maraming police chief na laganap ang krimen sa kanilang area of jurisdiction subalit walang ginagawa para malutas ang problema.
Isa sa mga nasampolan ay ang hepe ng MPD-Station 11 sa Ermita, Maynila kung saan naging talamak ang holdapan at pagpatay sa mga turista. Sinibak din ang hepe ng Caloocan City police dahil sa talamak na krimen sa lugar.
Tama lang na sibakin ang mga inutil na hepe ng pulisya. Palitan sila nang may kakayahan at responsible.