ISANG 70-anyos na swimmer sa Australia ang nakapagtala ng bagong world record bilang pinakamatandang swimmer na nakatawid sa English Channel.
Si Cyril Baldock ng Sydney ang pinakamatandang swimmer na natawid ang 34 kilometrong haba ng English Channel. Nabura niya ang dating record ng isang manlalangoy mula sa Britain.
Inabot si Baldock ng 12 oras at 45 minuto para matawid ang English Channel. Aminado si Baldock na hindi naging madali sa kanya ang paglangoy. Ikinabahala niya ang ika-10 oras ng kanyang paglangoy dahil naramdaman ang matinding pagod sa kanyang mga braso. Akala niya ay hindi na siya makakapagpatuloy subalit nagawa niyang magamit ang natitirang lakas upang matapos ang pagtawid.
Hindi ito ang unang beses na natawid ni Baldock ang English Channel. Natawid na niya ito noong 1985. Naisip niyang gawin ulit ito ngayong matanda na para sa alaala ng kanyang mentor at coach na namayapa bago nito natawid ang Channel.
Inaasahan na hindi magtatagal ang world record ni Baldock dahil may Austral-yanong lola na ang edad ay 73-anyos ang nagbabalak languyin ang English Channel.