SA nakaraang kolum, naisulat ko ang natural na panglunas sa pagsakit ng sikmura. Ito ay tinatawag na gastritis o ulcer kung saan nagagasgas ang laman o lining ng sikmura dahil sa sobrang acidic o dahil laging nalilipasan ng pagkain.
Ang mga payo ko ay (1) umiwas sa maasim at maanghang na pagkain, (2) kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw, (3) kumain ng saging at tinapay, at (4) lumagok ng kaunting tubig bawat 20 minuto.
Heto pa ang mga dagdag na payo sa ulcer:
1. Umiwas sa alak at sigarilyo.
Ang alcohol ay nakabubutas ng tiyan lalo na kung iinom nang walang laman ang tiyan. Ang sigarilyo naman ay nakasisira rin ng baga at tiyan.
2. Limitahan ang pag-inom ng pain relievers.
Ang mga gamot sa kirot tulad ng Mefenamic acid ay dapat inumin lamang pagkatapos kumain. At huwag itong araw-arawin dahil masama din ito sa katagalan.
3. Ang Aspirin ay maaari ring magdulot ng ulcer.
Inumin ang aspirin pagkatapos kumain. Kapag humapdi ang tiyan, bawasan ang dosis ng Aspirin sa 30 mg lamang. May Cor 30 na Aspirin 30 mg sa botika. Kapag sinisikmura pa rin, ihinto ang aspirin at magpa-check sa doktor.
4. Tantiyahin ang pag-inom ng gatas.
Ayon sa mga espesyalista, ang gatas ay puwedeng magparami ng acid sa sikmura. Ang iba naman ay nagtatae sa gatas. Mas maigi pa ang yoghurt.
5. Magluwag ng sinturon.
Ang masikip na pantalon at sinturon ay maaaring magpataas ng pressure sa tiyan. Dahil dito, mahihirapan bumaba ang kinain natin. Isa pa, pagkakain ay huwag agad umupo o humiga. Maglalakad muna para matunawan.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor? Kapag may dugo ang dumi o matindi talaga ang sakit ng tiyan. At kung may hinala tayong may ibang sakit ang pasyente tulad ng sakit sa puso, appendicitis at sakit sa apdo, pumunta sa doktor.
Sundin ang mga payong ito. Obserbahan natin. Kapag hindi nawala ang sakit ng tiyan, magpatingin na tayo sa doktor.