ISANG lalaki sa India ang naging laman ng mga balita roon matapos nitong kagatin at mapatay ang isang makamandag na ahas na ayon sa kanya ay balak siyang tuklawin.
Ayon kay Rai Singh, residente ng Chhattisgarh, alas- nuwebe noon ng gabi at matutulog na siya nang makita ang ahas na nasa kanyang kama. Sinubukan niyang itaboy ang ahas ngunit umakma ito na parang manunuklaw kaya pinagpasyahan na niyang unahan ang ahas at kinagat ito. Namatay ang ahas mula sa kagat ni Rai.
Matapos ang insidente ay maraming namangha sa nagawa ni Rai dahil hindi pala pangkaraniwang ahas na kanyang napatay.
Ang ahas kasi na natagpuan ni Rai sa kanyang kama ay isang blue krait at sinasabing isa ito sa mga pinakamakamandag na ahas sa mundo. Ang blue krait ang may pinakamaraming napapatay na tao sa India taun-taon.
Bawat taon ay tinatayang nasa 50,000 na katao ang namamatay sa India dahil sa pagkatuklaw ng mga blue krait. Mahilig kasi ang nasabing uri ng ahas na pumasok sa mga bahay lalo na kapag umuulan. Hindi rin masakit ang kagat nito kaya madalas na hindi napapansin ng mga biktima na natuklaw na pala sila ng isang napakamakamandag na ahas.
Hindi na ito ang unang pagkakataon na may napabalitang tao na nakipagkagatan sa isang ahas. Noong isang taon, kinagat din ng isang magsasaka sa Nepal ang cobra na nanuklaw sa kanya hanggang mapatay niya.