EDITORYAL - Bangis ng mga kriminal

NAGDUDULOT ng agam-agam sa mamamayan ang mga sunud-sunod na krimen na nangyayari. Hindi lamang sa Metro Manila nangyayari ang malalagim na krimen kundi maging sa probinsiya man. Marami tuloy ang nagtatanong kung saan pang lugar sa bansa ligtas tumira. Kahit saan ay banta ang pamamayagpag ng mga criminal. Wala na silang takot at kahit anong oras ay sumasalakay at walang awang pumapatay. Kahit sa kasikatan ng araw ay patuloy sila sa pambibiktima. At wala namang magawa ang pulisya sa pagsalakay ng mga criminal. Hindi nila kaya ang bangis ng mga criminal.

Sunud-sunod ang panggagahasa at pagpatay. Noong nakaraang Miyerkules, isang 26-anyos na dalaga ang ginahasa at pinatay sa Calumpit, Bulacan. Natagpuan ang bangkay ng dalaga sa isang palayan. Maraming saksak sa katawan. Apat na suspect na ang dinakip at nakakulong. Umano’y mga drayber ang suspect. Mga gumagamit ng shabu ang suspect.

Noong Martes, isang officer ng BIR ang pinagbabaril sa Mandaluyong. Tatlong lalaki umano ang humarang sa biktima at pinagbabaril ito. Nang nakahandusay na ang biktima, isa sa mga holdaper ang kumuha sa backpack ng biktima. Makaraan iyon ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.

Kamakailan, isang sanggol ang walang awang pinagsamantalahan at pinatay pa ng isang lalaki. Ang sanggol ay dinampot umano ng suspect habang natutulog sa bangketa, katabi ang ina nito. Natagpuan ang sanggol sa isang dyipni at patay na.

Sunud-sunod ang pagsalakay ng riding-in-tandem at wala namang magawa ang mga pulis kung paano mahuhuli ang mga ito. Walang kakayahan ang mga pulis kung paano susugpuin ang mga criminal. Kailan mapapanatili ang police visibility?

 

Show comments