Chimpanzee, natutong magluto sa panonood lamang ng TV

SINASABING isa ang chimpanzee sa mga pinakamatatalinong hayop sa mundo kaya hindi na nakapagtataka kung  may matutong magluto ng kanyang pagkain sa pamamagitan lamang ng panonood ng TV.

Natutunan ng chimpanzee na si Kanzi ang pagluluto nang minsang mapanood niya ang isang dokumentaryo tungkol sa pagkatuklas ng mga sinaunang tao ng apoy. Nagustuhan ni Kanzi ang nasabing palabas kaya naman makailang ulit niyang pinanood ito lalo na ang mga eksena kung saan ipinakikita kung paano magsimula ng apoy gamit ang mga bagay na matatagpuan sa gubat.

Dahil sa paulit-ulit na pano­nood ni Kanzi ay nakuha rin niya ang paraan kung paano gumawa ng apoy.

Ngayon ay sanay na sanay na sa paggawa ng apoy si Kanzi at nagagamit na niya ang kaalamang ito sa pagluluto ng kanyang mga kinakain. Upang gumawa ng apoy ay namumulot at nag-iipon siya ng mga natuyong mga sanga at sinisindihan gamit ang posporo. Ang nagawang apoy ang ginagamit sa pagtutusta ng hamburgers, marshmallows at iba pa niyang kakainin.

Hindi lang paggawa ng apoy ang alam ni Kanzi dahil palagi niyang maingat na binubuhusan ng tubig ang apoy upang maapula ito.

Ayon sa kanyang mga tagapag-alaga, si Kanzi raw ang pinakamatalino sa lahat ng chimpanzee na kanilang inaalagan at katunayan nga ay tinuturuan na rin niya ang kanyang anak ng mga bagay na natutunan niya mula sa mga tao at kasama na rito ang pagluluto. Kaya naman inaasahang ma­ipapasa ang kaalaman ng pagluluto sa mga kapa­milya ni Kanzi at posibleng kumalat pa ito sa lahat ng mga chimpanzee sa wildlife center.

Show comments