Libong unggoy, naghahasik ng lagim sa New Delhi

KARANIWAN na sa India na makakita ng mga unggoy na pagala-gala sa lansangan. Mahalaga kasi ang nasabing hayop sa pangunahing relihiyon ng mga Indian na Hinduismo kaya pinapabayaan ang mga ito na manatili sa mga pampublikong lugar.

Ngunit nagiging problema na ang mga unggoy, na umaabot na sa 30,000, sa mataong siyudad ng New Delhi.

Ang libong unggoy sa siyudad ay nanghihingi ng pagkain sa mga dumadaan at kung walang mahingi ay nagnanakaw ang mga ito sa bahay-bahay. Napabalita na rin ang pagnanakaw ng mga ito ng damit at inuming nakalalasing.

Ang pinaka-matinding ginawa ng mga unggoy ay nang may mamatay na residente dahil sa ginawa nilang pagsalakay. Ang namatay ay ang vice mayor ng New Delhi. Sinalakay ng mga unggoy ang bahay ng vice mayor. Lumaban ang vice mayor subalit nahulog siya sa balkonahe ng kanyang bahay.

Problema rin ang sakit na idinudulot nang napakaraming unggoy sa New Delhi. Karamihan kasi sa mga ito ay nagdadala ng mga nakakahawang sakit katulad ng tuberculosis kaya hindi malayong magkaroon ng epidemya sa nasabing siyudad kung hindi maaagapan ang problemang mga unggoy doon.

Naisipan ng gobyerno ng New Delhi na mag-hire ng mga taong taga-taboy ng mga unggoy upang mapaalis ang mga ito sa siyudad. Ang mga taong binayaran ng gobyerno ay nag-aalaga ng mga langur monkeys, mga unggoy ito na mas malalaki at mababagsik kaysa sa mga unggoy na karaniwang matatagpuan sa New Delhi. Takot sa langur monkeys ang ibang unggoy kaya epektibo silang pantaboy sa mga ito.

Ngunit dahil illegal ang pagmamay-ari ng langur monkeys dahil sa pagiging endangered ng mga ito, madalas kumukuha na lamang ang gobyerno ng mga taong marunong gumaya ng tunog ng mga langur upang sila na lang ang manakot sa mga perhuwisyong unggoy sa New Delhi.

 

Show comments