MAG-INGAT sa mga inilalakong produkto lalo na kung mura at bagsak-presyo.
Kadalasan itong makikita sa mga pampublikong pamilihan kung saan dinarayo ng mga mamimili. Ibinibenta rin ito sa mga gilid-gilid ng bangketa at maliliit na tindahan.
Hindi na bago sa BITAG ang ganitong uring modus kung saan ang mga ibinibenta, mga sira na o expired product na hindi na maaaring kainin pa ng tao. Ito ay isang uring underground industry o patagong industriya.
Organisado ang kilos at galaw ng grupong nasa likod nito. Sa halip na itapon at isunog na ang mga produkto, patuloy pa rin nila itong pinagkakakitaan.
Ibig sabihin, mayroong transportasyon o pagba-byahe ng mga produkto at distribusyon sa mga pinagbabagsakan nilang pwesto mula sa kanilang mga warehouse o bodega.
Nitong nakaraang linggo, hulog sa BITAG ng T3 ang mga putok sa buhong tindero at tindera na nagbebenta ng mga expired product sa Palanca, Quiapo sa Maynila.
Ang kanilang estilo, nireretoke ang mga expiration date at tinatanggalan ng label o tatak ang bawat lata para hindi mahalata.
Ayon sa Food and Drugs Administration (FDA), mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga produktong expired, hindi properly labeled, bawas-bawas ang tatak o walang mga tatak.
Maliban kasi sa kaduda-duda na ito, delikado rin ito sa kalusugan ng isang indibidwal na makakakain ng produkto.
Kaya All Points Bulletin (APB) ng BITAG sa mga mamimili partikular sa mga ina ng tahanan, huwag tanging batayan ang mura at bagsak-presyong produkto sa inyong pamimili.
Laging maging mapanuri at maging listo bago pa malagay sa alanganin ang kalusugan ng inyong pamilya.
Mag-ingat, mag-ingat.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.