ILAN nang kakilala ko na nagmamay-ari ng mga computer shop o internet café ang dumadaing sa paghina ng kanilang kinikita. Iyong mga may sariling lugar o hindi nangungupahan ng puwesto ay sisinghap-singhap sa paghina ng kanilang negosyo. Ang mga umuupa naman ng puwesto, halos ang landlord na lang nila ang kanilang binubuhay dahil mas mataas na ang binabayaran nilang upa kaysa sa kanilang kinikita.
May mga computer shop naman sa mga matataong lugar tulad halimbawa sa University Belt na nagsasara pa rin kahit sabihin pang dinudumog sila ng napakaraming kustomer sa maghapon kahit hanggang gabi. Karaniwan nang tanawin na may maglalahong internet café at merong susulpot na bago. Ang bago ay hindi rin magtatagal at magsasara at papalitan ng iba na namang computer shop. Kahit iyong mga nagmamantini ng computer shop sa sarili nilang bahay ay nagsasara rin kinalaunan kahit pinapasok pa sila ng mga kustomer na mahilig magpalipas ng oras sa mga computer games.
Wala pang masasabing seryoso at komprehensibong pag-aaral sa sitwasyon ng mga negosyo ng mga computer shop sa bansa. Pero mahihinuha na isa sa mga bagay na tumatalo sa negosyong ito ang pagsulong ng teknolohiya. Maaari na rin kasing magbukas ng internet o Facebook o mga games halimbawa sa mga smartphone o iPhone o tablet at iba pang makabagong mga gadget. Meron na ngang “salamin sa mata” na nakapagbubukas ng internet.
Dumarami na rin ang mamamayang may sariling computer sa sarili nilang mga tahanan. Hindi nga lang lahat ay may kakayahang magmantini ng printer at scanner na isa namang bentahe ng mga internet café. Sabi nga ng isang kakilala kong computer shop owner, halos mga computer games, printing at scanning ang kanya na lang inaasahan para kumita. Pero, bukod dito, nariyan ang pagkalat ng mga tinatawag na PesoNet na patok sa mga mahihirap na mamamayang walang kakayahang bumili ng computer at pumasok sa internet café. Naging malakas na kakumpetensiya ng mga computer shop ang mga PesoNet na ito.
Kung ganito lagi ang sitwasyon, baka malaos at maglaho na ang negosyo ng mga internet café na tulad ng nangyayari sa ibang mga bagay na naglaho sa mga pagbabago sa larangan ng teknolohiya. Tangi na lang marahil matitira ang mga nagtitinda ng mga computer at accessories nito.