APAT na milyong Pilipino ang may diabetes. At napakarami pa ang magkakaroon nito sa darating na panahon. Bakit ko nasabi ito?
Ito’y dahil sa klase ng ating kinakain. Soft drinks, junk food, sitsirya, taba ng baboy at French fries. May pagsusuri na nagpapatunay na ang soft drinks ay puwedeng magdulot ng diabetes. Ang mga hindi nag-ehersisyo at may katabaan ay maari ring magka-diabetes. At alam natin na ang diabetes ay nakamamatay kapag hindi ginamot.
Paano ginagamot ang diabetes?
Sa umpisa ay kinukuha sa diyeta at exercise ang diabetes. Ngunit madalas ay hindi kinakaya ng pasyente. Dahil dito, marami ang nangangailangan ng gamutan. Ang pinakamainam na gamot sa diabetes ay ang mga nirereseta ng ating doktor. Ito ang paborito kong gamot sa diabetes:
1. Metformin 500 mg tablet – Ang Metformin ay binibigay sa pasyenteng may katabaan. Nakababawas ito ng ganang kumain. Ang Metformin ay binibigay mula 1 hanggang 3 tableta sa maghapon. Depende sa taas ng iyong blood sugar. Mas mura ang mga gamot sa Botika ng Bayan.
2. Gliclazide 80 mg tablet – Ang Gliclazide ay mas malakas magpababa ng asukal kaysa sa Metformin. Iniinom ito ng 1 o 2 tableta sa maghapon. Minsan ay pinagsasabay ang Gliclazide sa Metformin.
Depende sa antas ng inyong blood sugar, tinitimpla ng mga doktor ang dosis na ibibigay sa iyo. Ang pinakamataas na dosis na aking binibigay ay ganito: Example: Metformin 500 mg tablet, 3 beses sa isang araw. At Gliclazide 80 mg tablet, 3 beses din sa isang araw.
Pinakamurang gamot sa diabetes
Kung kulang talaga kayo sa budget, may murang mga generic na gamot na mabibili sa mga Botika. Nagkakahalaga lang ng 1 o 2 piso ang bawat tableta ng Metformin o Gliclazide. Kung kulang talaga sa budget, subukan niyo ito.
Paano naman ang food supplements?
Sa aking pananaw, mas epektibo ang mga regular na gamot, tulad ng Metformin at Gliclazide, kaysa sa mga food supplements. Mas mura pa ang mga ito.
At kapag hindi pa rin bumaba sa normal ang blood sugar, kailangan na simulan ng Insulin injections. Huwag matakot sa Insulin. Malaki ang naitutulong ng Insulin para hindi mahirapan ang ating lapay (pancreas). Magpatingin sa doktor.