Ang bobong driver

MATAGAL nang pinagtitiisan ni Manuel ang masamang ugali ng among pinagsisilbihan niya bilang personal driver. Kaunting pagkakamali lang niya ay sinisinghalan kaagad siya ng amo na may kasamang panlalait sa kanyang pagkatao — bobo ka talaga! Isang mayaman at mahusay na negosyante ang amo niya.

Ang asawa ni Manuel ay naninilbihan namang katulong sa bahay ng nabanggit na amo. Paminsan-minsan ay umeekstrang katulong ang kanilang anak na dalaga kapag may malaking party ginaganap sa bahay. Minsa’y nakursunadahang gahasain ng anak na binata ng amo ang anak ni Manuel nang ito’y umek­strang katulong sa birthday party ng binata.

 Inalok ng amo ang mag-asawa ng isang milyon piso kalimutan na lang ang nangyari. Pumayag si Manuel at tinanggap ang isang milyon sa kabila ng pagtutol ng kanyang asawa. Pinapirma pa siya ng amo na nagpapatunay na tumanggap siya ng pera. Nakasaad sa pinirmahan ni Manuel na ang isang milyon ay kabayaran sa pagkakatanggal nilang mag-asawa bilang katulong at family driver.

Ang wakas ng istorya ay nakulong ang anak na binata ng amo at napilitan ang mga ito na bayaran ang pamilya ni Manuel ng sampung milyon piso bilang kabayaran sa perwisyong idinulot ng mga ito sa buhay ng dalaga.

Bakit nagkaganoon? Ginamit ni Manuel ang isang milyon piso na naunang ibinigay sa kanya ng amo. Ito ang ginamit niya para makakuha ng mahusay na abogado. Paano ‘yung pinirmahang waiver ni Manuel? Lalo lamang iyon nagdiin sa amo na may kasalanan sila. Sinong negosyante ang basta na lang magpapakawala ng isang milyon dahil lang sa simpleng dahilan na gusto niyang tanggalin sa trabaho ang mag-asawa?

Nakatanggap na ng hustisya, may natanggap pa silang sampung milyon. Naisahan ng bobong driver ang matalino at edukado niyang amo.

 

Show comments