NITONG nakaraang buwan isang daang milyong Pilipino na ang meron. Kaya’t ang maghanap ng isang taong nawawala ay lubhang napakahirap. Mas lalong halos imposibleng makita ang mahal sa buhay na nasa ibang bansa kung ang tanging nag-uugnay lamang sa inyo ay isang linya ng cellphone lamang.
“Tumawag siya sa akin, binubugbog daw siya ng amo niya. Hindi na daw niya makayanan. Wala na siyang ibang paraang naisip kundi ang tumakas,” wika ni Marites.
Dumulog sa aming tanggapan si Marites Ceriola, 37, kasama ang kapatid na si Analita Ceriola, 32, taga Sta. Mesa, Manila. Inilalapit nila sa amin ang kalagayan ng kanilang nakababatang kapatid na si Jocelyn Ceriola, 28, isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa United Arab Emirates (UAE). Kung saang bansa sa UAE, hindi nila alam. Dating saleslady itong si Jocelyn. Nang makapangasawa at magkaroon ng dalawang anak, huminto ito sa pagtatrabaho. Dahil sa maliit na kita ng asawang si Rosano Querubin, sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ‘flood control’, napilitang mag ibang bansa si Jocelyn.
Hulyo ng taong 2013 nang lumipad patungong UAE si Jocelyn para maging kasambahay. “Hindi ko alam ang pangalan ng agency niya, yung amo niya lang. Kasi, ito ang naghuhulog ng padala ng kapatid ko,” wika ni Marites. Halid Abdula Muhamed Sham El Alras ang pangalan ng amo ni Jocelyn na nakasulat sa ‘pay-out slip’ na natatanggap nila. Bukod raw sa gawaing bahay, tungkulin din ni Jocelyn na alagaan ang limang anak ng amo.
“Kayod kalabaw siya doon. Tatlong oras lang daw ang tulog niya kada araw,” ani ni Marites. May kasama pa daw si Jocelyn na kapwa Pinoy sa bahay na nagtatrabaho din doon bilang kasambahay. Madalas daw kung bugbugin ng amo ang kasama sa bahay ni Jocelyn. Dahil dito, tumakas ang nasabing kasama ni Jocelyn. Naiwan sa bahay si Jocelyn, siya naman ang pagbuntunan ng galit ng kanyang amo.
“Ganun na nga ang nangyari. Siya naman daw ang binubugbog, sinasabunutan at pati yung anak na panganay ng amo niya, pinapalo din siya,” kwento ni Maricel. Hindi na raw nakayanan ni Jocelyn ang ginagawa ng mga amo kaya naman noong June 27, 2014 ay tumakas na ito.
“Nag-text siya sa akin, tumakas daw siya papuntang embassy,” wika ni Marites. Pagdating doon ay pinagharap daw si Jocelyn at ang kanyang amo. Dito ay isinalaysay niya ang kalupitan ng kaniyang amo at siya naman ay binuweltahan nito ng ‘Runaway’. Sa huling text na natanggap ni Marites, sinabi sa kanya ng kapatid na ito ay nasa deportation na at makakauwi na noong July 9, 2014. Lumipas ang nasabing petsa ngunit walang Jocelyn na nagpakita sa kanila.
“Nung hindi siya nakauwi, tinext namin siya, hindi naman nagreply,” kwento ni Marites.
Nang hindi pa rin nagreply si Jocelyn ay tinawagan na nila ito. nagulat sila na lalaki ang sumagot.
“Tinanong ko sa kanya kung nasaan si Jocelyn, pero hindi daw niya ito kilala. Natakot kami baka kung napano na ang kapatid ko,”salaysay ni Marites.
Itinampok namin ang kwentong ito ni Marites sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ 882 KHZ (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
BILANG PAGTUGON sa problemang ito ni Marites, kinapanayam namin si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Inilahad namin sa kanya ang problemang ito ni Marites.
Sinabi namin sa kanya na tanging ang pangalan lamang ng amo ni Jocelyn ang alam ni Marites at UAE ang lugar na alam niyang kinaroroonan ng kapatid.
Ayon kay Usec. Seguis, mahihirapang matunton kung nasaan si Jocelyn dahil napakalaki ng UAE.
“Pero gagawin namin ang lahat para mahanap siya,” wika ni Usec. Seguis.
Nang marinig ito ni Marites ay naalala niyang nasa Abu Dhabi ang kapatid. Ipinaalam niya ito kay Usec. Seguis at agad namang nakipag-uganayan sa Philippine Embassy, Abu Dhabi si Usec.
Matapos ang isang araw, natunton agad kung nasaan itong si Jocelyn. Siya ay nasa Al Wathba Deportation at ‘for repatriation’ na.
Pinaliwanag din sa amin na ang mga gamit ni Jocelyn ay kinumpiska ng kanyang employer pati na ang kaniyang cellphone.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ilan lamang si Jocelyn sa mga kababayan nating OFW na tumakas sa kanilang mga amo dahil sa pangmamaltrato.
Napapanood natin sa TV, napakinggan sa radyo at nababasa sa mga dyaryo ang kanilang mga istorya, ang ilan ay nagtamo pa ng grabeng mga sugat, mga paso at ang iba naman ay lumulundag pa sa building kung saan sila nagtatrabaho.
Hindi kami tumitigil sa pagpapaala, di lamang kay Marites, kundi sa lahat ng tulad niyang may mga kamag-anak sa ibang bansa o mga nais mangibambansa na alaming mabuti ang detalye kung saan sila ilalagay. Alaming mabuti ang pangalan ng agency at kung maaari ay ang saktong address ng mga ito.
Ang ating mga OFW’s ay tinaguriang bagong mga bayani dahil sa tulong na naiambag nila sa ekonomiya ng ating bansa. Nararapat lamang na bigyan pansin ng ating pamahalaan ang kanilang mga hinaing. (KINALAP NI ERIC CORNELIO)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038 o magmessage sa aming facebook account, www.fcebook.com/tonycalvento.