KARANIWANG tao ang nagpapatakbo ng makina. Kapag makina na ang nagpatakbo ng tao, gulo ang dulot nito.
“Biglang hinigop ng makina ang aking daliri at inipit ito. Ngayon pa lamang ako nakaramdam ng ganitong uri ng sakit. Muntik na kong hinimatay at mabuti na lamang, may naghinto nito.”
Nagsimulang magtrabaho bilang isang factory worker sa Aztech Power si Jennalee Garcia, 32-taong gulang. Hindi nagtagal, namasukan siya sa MEC Electronics noong Oktubre, taong 2009 sa parehong trabaho. Agad naman siyang tinanggap ng kumpanya bilang semi-conductor sa mga makinarya. Binigyan siya doon ng sampung buwang kontrata.
“Pag nagustuhan daw ng leader namin yung performance ko, ia-under daw ako ng agency,” kwento ni Jennalee. “Kasi di na raw sila nagre-regular sa trabaho.”
Hindi kalakihan ang sweldo ni Jennalee. Kaya nama’y sinubukan niyang sumali sa Helping Hand Development Cooperative para mas makapag-ipon siya. Setyembre, taong 2010 nang makapasok siya rito. Ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil kung tutuusin ay abonado pa siya. P236 lang ang sahod niya sa MEC bawat araw, samantalang P327 naman ang hinuhulog niya sa Helping Hand araw-araw. Naka-tatlong taon din namasukan si Jennalee sa pabrika, ngunit hindi na maganda ang kanyang record sa trabaho dahil na rin sa dami ng kanyang pagliban. Ika-11 ng October, 2014 nang dahan-dahang maipit ang kanyang kanang hintuturo sa makina ng kanilang kompanya habang siya’y nagtatrabaho. Agad siyang isinugod sa ospital. In-X-ray siya at nakitang may bali umano sa kanyang buto.
“Sobrang sakit niya, ni hindi ko nga magalaw yun nung mga panahong yun.” kwento niya.
Kinabukasan, nag-file na siya ng ‘sick leave’ dahil sinabi ng doktor na dapat niyang ipahinga ang kanyang daliri ng hanggang tatlong linggo. Pinayagan naman siya ng kompanya. Matapos ito, humingi siya ng karagdagang araw sa pagliban. Maga pa raw kasi ang kanyang daliri. Nobyembre, 2013 nang bumalik ang sickness form niya dahil hinahanapan siya ng X-ray plate. Ipinasa niya ito kay Jeli Ann Peji, coordinator ng kanilang ahensya. Nagtanong siya sa Social Security System (SSS) noong Disyembre, dahil isang buwan na ang nakakalipas, wala pa ring computation na dumadating sa kanya. Dahil dito, pinuntahan niya ang coordinator. Naipasa naman daw nito. Ika-10 ng Enero 2014, pinapunta siya sa opisina. “Pagdating ko dun, sinabi na lang sa akin, huling araw ko na raw. Dahil bukod daw sa absences ko, bagsak din daw ako sa evaluation,” pahayag ni Jennalee. “Buntis ako nung mga panahong yun, at hinayaan na lang nila akong matanggal kahit alam nilang yun ang pagkukunan ko ng panggastos.”
Nakapagtataka na yung line leader lamang ang nakapirma sa kanyang evaluation. Ayon pa kay Jennalee, wala rin siyang back pay na natanggap dahil under daw siya ng kanilang ahensya. Hindi siya naging regular sa trabaho, kaya’t hindi rin sinagot ang medical expenses niya. Hindi rin bayad umano ang unang 21 araw niyang sick leave na dapat ay P17,800. Ngunit P2,700 lang ang nakalagay sa kanyang tseke. Ang sabi sa kanya, binawas daw ang kanyang utang kaya lumiit ang kanyang natanggap.
“P4,000 lang yung utang ko. Pero mahigit sampung libo yung binawas sa akin,” reklamo ni Jennalee. “Tapos hindi na rin ako nabigyan ng insurance ko. P2,000 din yun dapat.” May P5,000 pa rin daw siya sa Helping Hand. Makukuha pa naman niya ito kung bibitiwan niya ang kanyang tungkulin sa trabaho. Ngunit hindi siya makapag-resign dahil natatakot siyang hindi niya na makukuha ang bayad sa kanyang sick leave at maternity leave.
“Tumatawag ako sa kanila, pero pinagpapasa-pasahan lang nila ako,” sabi niya. Natatakot siya na baka pati ang kanyang maternity leave, hindi na rin mabigay sa kanya. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan. “Gusto ko lang makuha nang buo yung sick leave ko. Wag na lang nila akong pahirapan.” Pahayag niya.
Itinampok namin si Jennalee Garcia sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes, mula 2:30-4:00PM. At Sabado 11:00-12:00NN). PARA SA PATAS NA PAMAMAHAYAG, sinubukan naming tawagan si Ms. Joan, ang amo ni Jennalee. Subalit hindi namin nakausap ito. Muli naming tinawagan ito makalipas ang ilang araw. Dito namin nakapanayam si Ms. Joan at sinabing wala namang problema. Kukunin na lang daw ni Jennalee ang kanyang hinihiling na benepisyo.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang bawat isa sa kanila ay importante sa amin. Maliit man o malaki ang kanilang kinokolekta, ginagawa namin ang lubos ng aming makakaya.
Sa kaso ni Jennalee, nakatanggap siya ng P4,200 matapos ang isang linggo. At noong Lunes naman, P8,698 ang binigay sa kanya. Bukod dito, kulang pa rin ito ng P4,900. Kasalukuyang naghihintay pa rin si Jennalee na makumpleto ang bayad sa kanya para matapos na ang lahat. (KINALAP NI CHINA CAPALA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285/7104038 o mag-iwan ng mensahe sa www.facebook.com/tonycalvento