TATLONG taon din na nagtago si dating Army general Jovito Palparan bago nahuli kahapon sa Sta. Mesa, Manila. Mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nakahuli sa fugitive general. Nahuli si Palparan sa isang apartment. Natutulog ito nang lusubin ng NBI ang bahay. Hindi na nagawang makatakas ng tinaguriang “berdugo” at sumama nang maayos sa mga aworidad. Si Palparan ay sinampahan ng kasong kidnapping at illegal detention kaugnay sa pagkawala ng dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Dinukot sila noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan habang nagsasagawa ng research work. Ayon sa mga testigo, mga sundalo ang dumukot sa dalawang estudyante.
Ang nakapagtataka sa pagkakahuli kay Palparan, ang pinagtaguan nitong apartment ay ilang metro lamang ang layo sa police station at malapit din umano sa barangay hall. Matao ang lugar sapagkat malapit din ito sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Kung ano ang motibo ni Palparan at sa malapit sa police station naglungga ay walang nakaaalam. Maaring naisip ni Palparan na doon magtago sapagkat walang mag-aakala na nasa bisinidad ng presinto ang isang pinaghahanap ng batas. Gumamit siya ng military tactic. O maaaring kaya doon siya nagtago ay para ipamukha na walang kakayahan ang PNP na siya ay mahuli. Imagine, ilang metro lang ang layo sa police station pero hindi siya naamoy. Nagpapakita na mahina ang pang-amoy ng PNP. Nasaan kaya ang budget nila para sa intelligence gathering? Paano kung ang nagkuta na pala ay mga bomb expert na sinanay ng Al-Qaeda ni Osama bin Laden, baka sumambulat na ang Metro Manila ay hindi pa nila alam.
Mabuti na lamang at mas magilas at mas mahusay ang NBI (kahit inabot din ng tatlong taon) kaya nahuli ang “berdugo”. Sana naman, maiharap na sa korte at litisin ito sa mga kasalanang inaakusa. Huwag hayaang makatakas ang “berdugo”.