Manong Wen (18)
“A NG dami naman ng perang ‘yan?” sabing humahanga ni Precious.
“Gagamitin ko ito sa pag-aaral at pupuhunanin sa pagbibingka.’’
“Napakabait pala ni Mang Jo, Ate.”
“Oo. Hindi ko nga akalain na magkakaganito ang buhay natin. Dati iniisip ko kung saan kukuha ng puhunan, pero eto at sobra-sobra pa. Kahit na makatapos ako sa kolehiyo ay marami pang matitira rito. Maski bawasan ko pa para sa tuition mo, malaki pa rin ang maiiwan.’’
“Bakit kaya napakabait ni Mang Jo?”
“Naging mabait daw sa kanya si Tatay noong nasa Saudi pa sila. Maraming ikinuwento si Mang Jo tungkol sa mga nagawa ni Tatay at tinatanaw niya iyon na malaking utang na loob. Hindi raw niya malilimutan ang mga ginawa ni Tatay. Iyon ang dahilan kaya nagbigay siya nang ganito.’’
“Dapat ay ideposito mo yan sa banko Ate. Baka manakaw sa’yo. Malay mo baka may nag-oobserba sa atin.’’
“Oo. Idedeposito ko ito bukas. Samahan mo ako sa bayan.’’
“Oo, Ate.’’
“Sa sunod na pasukan, mag-eenrol na ako. Kapag naka-enrol na ako, tuloy pa rin ang pagbibibingka ko.’’
“Hindi ka kaya mahirapan Ate?”
“Sanayan lang yan. Kasi kung hindi ako magbibibingka, wala akong gagastusin sa’yo at sa pang-araw-araw natin. Sayang naman dahil kumikita ako ng P500 sa bibingka.’’
“Sabagay.’’
“Kaya kapag Sabado at Linggo, tulungan mo ako sa pagtitinda.’’
“Oo Ate.’’
“Uunlad din tayo. At mas masarap namnamin ang tagumpay kapag pinaghirapan. Gusto ko, maging sikat pa ang bibingka ko.’’
“Bibingka ni Princess, he-he!’’
“Kaya kong pasikatin ang bibingkang ito. Makikilala ako.”
“Siyanga pala Ate, kailan uli babalik si Mang Jo?”
“Basta darating na lang daw siya.’’
“Sana lagi niya tayong dalawin ano?”
“Sana nga!”
(Itutuloy)
- Latest