ANG APOY sa umpisa ay kislap lamang ngunit pag hinayaan mo, lalaki ito at didilaan nito ang buong tahanan mo.
“Aalis siyang naka-uniporme. Ihahanda ko mga kailangan niya. Buong akala ko sa trabaho, ’yun pala iba lakad niya,” kwento ni Merly. Nadedestino sa iba’t ibang lugar ang mister ni Merlita Bensay o Merly, 37-taong gulang na si Jem. ‘Electrician’ ito ngunit kapag may proyekto sa ibang lugar ay siya ang pinapadala. “Ilang beses ko nang nalalaman na nagkakaroon siya ng babae pero dahil umuuwi siya sa bahay pinabayaan ko lang,” wika ni Merly. Ipinagpalagay ni Merly na magsasawa rin ang kanyang asawa sa pambababae. Hangga’t umuuwi ito sa bahay nila pakiramdam niya buo pa ang kanilang pamilya. Labing limang taon na silang kasal ni Jem at may anim na silang anak. Ang pinakabata ay siyam na buwan pa lang. “Lagi akong nakakabasa sa cellphone niya na may karelasyon siyang babae. Hinahayaan ko lang dahil kapag kinokompronta ko siya lagi niyang sinasabing fling fling lang daw,” pahayag ni Merly. Ang pinakamasakit lang sa mga nalaman niya ay nang mismong mapanood niya ang sex video umano nito kasama ang ibang babae sa USB ng asawa. “Nasaktan ako pero tanga ko nun dahil hindi ko siya kinompronta. Inisip ko pa rin na pagsasawaan niya lang ang mga ganyang kalokohan,” ayon kay Merlita. Taong 2012 nadestino ang kanyang mister sa Aparri. May nakilala itong babae doon na kasama sa proyekto. “Isang araw bigla na lang siyang umuwi, lasing na lasing. May tumatawag sa kanya pero numero lang. Kinopya ko yun,” ayon kay Merly. Ilang buwan ang nakalipas nagpaalam ang kanyang mister na madedestino naman daw ito sa Samar. Kinausap ni Merly ang tiyuhin ni Jem na kasama rin sa trabaho at napag-alaman niyang wala naman silang kasalukuyang proyekto sa Samar. Sinubukan niyang tawagan si Jem ngunit hindi niya ito makontak. Kinutuban siya at nagbakasakali. Tinawagan niya ang numerong kinopya mula sa cellphone ng mister. Babae ang sumagot sa kanya. Agad niyang hinanap ang mister at nagpakilala siyang asawa nito.
“Bakit dito ka tumatawag?” tanong ni Jem sa kanya.
“Hindi ka sumasagot sa cellphone mo,” sagot ni Merly. Nagalit sa kanya si Jem at naging ugat yun ng matinding away. Muli niyang nakausap ang babaeng sumagot kanina at nagpakilala ito bilang Venus. Limang buwan na raw siyang buntis at si Jem ang ama. Nang mga panahong yun ay buntis din si Merly. Mula nun napatunayan na ni Merly at tinanggap sa sarili na nagbago na ang kanyang mister. Pagdating ng Marso 2013 hindi na umuuwi si Jem sa kanila. “Puro na siya dahilan. Kung saan-saang lugar daw siya nadedestino kaya hindi siya nakakauwi,” ayon kay Merly. Mula sa kanilang mga kakilala nalaman ni Merly na nagsasama na sa Laguna ang kanyang mister at si Venus. Nakita niya rin nang umuwi si Jem ang maliit na notebook na pinaglilistahan ng mga nagagastos kaya’t mas napatotohanan ang mga nakakarating sa kanya. Dumating sa punto si Merly na suko na siyang ipaglaban ang relasyon nila ni Jem. Hinayaan na lang niya ang mga ito at hiniling na sustentuhan na lang nito ang kanilang mga anak. Hinanapan din sila ng mauupahang bahay ni Jem malapit sa mga magulang nito ngunit hindi naman daw binayaran ang bahay. Biyenan pa niya ang nagpaluwal ng pera para r ito. Ika-6 ng Mayo 2013 nang magpunta ng Guam ang kanyang mister para magtrabaho.
“Kahit na hiwalay kami may komunikasyon pa rin kaming dalawa. Nakakausap ko siya tuwing magpapadala siya ng sustento. Nag-loan pa siya nang manganak ang babae,” salaysay ni Merly. Tuwing Biyernes nagpapadala ng $138 si Jem sa kanila. Ika-29 ng Disyembre 2013 nang malaman ni Merly na umuwi na pala ang kanyang mister. Hindi ito agad nagpakita sa kanila at pinilit pa ng kanyang biyenan na makipag-usap sa kanya ang anak. Nagkaharap sila nung Enero 9, 2014. “Nung simula masaya ako dahil nakita ko siya pero pagkaraan naisip ko na ang ginagawa nila sa akin ay hindi na maganda. Nung minsan wala nang panggatas ang anak ko humingi ako sa kanya, sabi niya bibili lang daw siya. Pagbalik niya wala namang bitbit. Malalaman ko na lang na ang binibili niyang gatas sa anak niya sa kabila yung mamahaling S26 Gold pa samantalang sa anak ko wala,” pahayag ni Merly. Nakaramdam ng awa si Merly sa kanyang mga anak. Kung sino pa raw ang legal na pamilya ay siya pa ang tila napapabayaan. Tinutulungan naman daw sila ng kanyang biyenan ngunit nahihiya na siya sa mga ito. Ang iba nilang anak ay nasa pangangalaga ng kanyang biyenan. “Nung June 26, 2014 huli siyang nagpadala. Sa pribadong eskwelahan pa nag-aaral ang mga anak ko dahil yun din ang gusto niya. Malaki pa ang kulang ko sa bayarin dun at hindi kaya ng pagtitinda-tinda kong bayaran,” salaysay ni Merly. Nais ni Merly na kasuhan na lang ang kanyang mister dahil sa hindi nito pagtupad sa kanyang mga obligasyon. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Merly. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi mo basta matatapon ang labing-limang taong pinagsamahan ninyo bilang mag-asawa. Kailangan timbangin mo ang iyong sarili at alamin mo kung handa ka na bang pakawalan nang tuluyan ang asawa mo. Maaari mo siyang kasuhan ng RA 9262 o Violence against Women and their Children. Sa kanya namang pakikiapid, ang kasong ‘Concubinage’ ay nararapat isampa kung saan sila nagsasama. Mahirap man itong patunayan ngunit kung may mga testigo ka namang magpapatunay na nagsasama sila bilang mag-asawa sa iisang bubong ay mas titibay ang iyong akusasyon. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maaari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.