Manong Wen (17)

“HINDI ko po alam  ang sasabihin ko Mang Jo. Kasi’y hindi ako makapaniwala na may taong tutulong sa amin sa ganitong kalagayan,” nasabi ni Princess makaraan ang ilang minutong pagkapipi.

“Siguro ay maniniwala ka na ngayon dahil nasa kamay mo na ang ini-offer kong tulong. Nagawa ko yan dahil sa kabutihan ng tatay mo. Nagbunga ang ipinakita sa aking kabutihan ni Manong Wen.’’

“Mabuti po pala at ikaw ang naging kaibigan ni Tatay. Kung siguro po at ibang tao, baka wala kaming aasahan ni Precious.’’

‘‘Siyanga pala, bago ako umalis mamaya papuntang Maynila ay gusto kong ma­dalaw ang libingan ni Manong Wen. Kahit man lang paano ay makapagpasalamat ako sa kanya. Malayo ba rito ang libi­ngan?’’

“Mga 30 minutes po sa traysikel.’’

“Sige samahan mo ako.’’

“Uuwi ka rin po ba ngayon sa Maynila. Kung bukas ka na po kaya umuwi.’’

“Hindi. Uuwi ako.’’

“Akala ko po’y dito ka matutulog.’’

“Saka na lang.’’

Makalipas ang isang oras ay nagtungo na sa sementeryo sina Jo at Princess. Walang bubong ang nitso ni Manong Wen. Ni wala pang lapida at ang pangalan, petsa ng kapanganakan at pagkamatay ay iniukit sa semento. Halatang kinapos nga sa pera, Kawawa naman ang kanyang kaibigan.

Pagkaraang umusal ng dalangin para kay Manong Wen ay sinabi ni Jo. “Palalagyan ko ng bubong itong nitso ni Manong Wen. Magpapagawa rin ako ng lapida.’’

“Salamat po, Mang Jo. Matutuwa po si Tatay sa gagawin mo.’’

‘‘Gagawin ko iyon dahil naging mabuti sa akin si Manong Wen.’’

Pagkaraan ay nilisan na nila ang sementeryo. Pagdating sa sakayan ng traysikel ay nagpaalam na si Jo kay Princess. Patungo na siya sa Maynila.

‘‘Salamat po uli. Kailan ka po babalik?’’

‘‘Bigla na lamang akong darating,’’ sabi niya at sumakay na sa traysikel.

Inihatid siya ng tanaw ni Princess.

Pagdating ni Princess sa bahay ay binilang niya ang perang ibinigay ni Jo. Isandaang libong piso!

Naabutan siya ni Precious habang nagbibilang.

‘‘Ang dami mong pera Ate!’’

“Galing kay Mang Jo.’’

(Itutuloy)

 

Show comments